Wednesday, March 19, 2014

SA BAYAN NG NOVIB AT MAASTRICHT

'Yung NOVIB siyempre ang matagal na nagpala sa SRDDP ng PRRM kung saan ako nagkasungay.

At 'yung Maastricht School of Management ang nagbigay sa akin ng fellowship na hindi ko dinaluhan limang taon na ang nakararaan.

Pareho silang tiga Netherlands.

At parehas silang kati sa aking talampakan na matagal ko nang gusting kamutin.

Kaya isang araw ay nagpasya akong lumabas sa bakuran ng Schipol Airport, sumakay ng tren, bumaba sa Amsterdam Central Station, at mula du'n ay naglakad para maghanap ng hotel. 

Siyempre, ang una kong pakay ay ang mga lumang simbahan pero kung bakit sa tambayan ng mga hubad na anghel ako napadpad.

Madami sila, iba-ibang kulay at tangkad, sari-saring cup size, mula barely legal hanggang post menopausal --- kasing dami ng mga tindahan ng may kinalalaman sa pagpaparaos, at mga sinehan ng totohanang torjakan.


Pero sori dahil hindi sila ang sadya ko; lalo namang hindi ang mahiwagang usok na nakatutuyo ng lalamunan at nakapagpapa-pogi sa mga pangit.


Keso ang pangunahin sa aking listahan dahil may free taste na puede nang pantawid gutom, at sa pagnanais kong tuklasin ang hiwaga ng kung bakit kinagigiliwan ng mga tiga-rito ang amoy tigyawat na pinatigas na gatas.


Sa kalalakad ay kinapos ang libreng keso kaya na-obliga akong bumili ng kanilang "patat" [kung tawagin natin ay French fries] na mas matataba ang hiwa, sariwa at dalawang beses ang pagkakaprito, 'tsaka binuhusan ng malapot na mayonnaise [kumbaga sa Germany, ito ang currywurst ng Netherlands].


Pangalawa sa listahan ang madalaw sina Van Gogh at Rembrandt na hindi naganap dahil tinanggihan ko ang alok ng konduktora sa hop-on/hop-off tour bus na sa kanya na bumili ng entrance ticket dahil higit na makabubuti sa akin ito.


Ganito din ang masaklap kong karanasan sa bahay ni Anne Frank kaya pagbalik sa hotel: "Give me the best Dutch beer!" = "Ay, Heineken lang pala!" na sa aking palagay ay lasang ipis kung ang pagkukumparahan ay ang mga nainom naming beer sa Bonn.


Pero sa suma tutal ay hindi na din masama, kahit Samsung Galaxy S4 lang ang baon kong pamitik, kahit pritong patatas at libreng keso at durog na Skyflakes lang ang pananghalian at hapunan, kahit walang nabili dahil wala namang pambili.

Tumila na ang kati sa aking talampakan.

Ano kaya ang lasa ng beer sa Milan at Brussels?

No comments: