Tuesday, August 02, 2016

BISIKLETA, FRIED SIOPAO, AT IBA PA

Nakalabas din si "Bunso" sa wakas, at tinuntun ang mga alaala ng dilaw na adobo ng Victorino's sa may Scout Rallos, ang usok mula sa mga iniihaw na lamang loob malapit sa Scout Fuentebella, ang tilapia puffs sa isang de-kalidad na restoran sa Tomas Morato, bago siya natusok ng kung ano at nangailangang madala sa Pediatric Clinic ng Basikleta.  


Suguro ay 'yun ang pamamaraan ni "Bunso" na maipakita ang kanyang kalungkutan sa pag-alis ni Bulan matapos ang dalawang buwan na bakasyon, na dinamdam ko din, kaya niresbekan ko ang machang ng Ongpin Manosa Restaurant [walang kuwenta] at fried siopao ng Binondo [may kuwenta] dahil parehong sarado pa ang Delicious Restaurant at Kim Hiong Food Garden [di pa alam kung ano ang kuwenta].




Pero nandiyan pa si Balong, ang tunay na Bunso, na siyang saksi sa muli kong pagsingkaw kay "Kuya" AGT, kasama si "Dikong" LDQ, pagkatapos ng dalawang buwan, at ang sumunod na araw na nilaanan ng walang lasang pansit bihon na gawa ng anak ni Dacoco sa CLSU, na sinundot ng taunang Bowling Games sa Cabanatuan kung saan mas madaming bote ng San Mig Lights ang natumba kesa bowling pins.   




At nung Lunes, maagang gumayak ang tunay na Bunso, isinuot ang bagong tahing uniporme at pinunasan ang bagong biling sapatos.


Nawa'y maiganti niya ang kanyang Kuya at magtagal siya, at makatapos, sa Science High.

At nawa'y magtagal ang lumalangitngit na si "Bunso" sa paggagalugad sa lansangan ng mga Boy Scout. 

No comments: