Sunday, September 25, 2011

KORONASYON


Dear Balong,

Kapag sakaling pumasa ka sa CLSU science high ay huwag kang magpapa-elect na escort at ayaw ko talagang namumudmod ng sobre. Bukod pa dito ang magiging harassment sa amin ng Nanay mo na dulot ng extra hours mo sa practice kasabay sa pagkukumahog sa review para hindi ka makick-out, pagtatalo sa isusuot mong damit kung barong tagalog o amerikana o tuxedo, paglalagari sa mga makakasabay na projects ko sa finale night ninyo, at pangungulit ng Nanay mo na dalhin ko ang camera although alam mo namang hindi ko pinangarap maging event photographer.

Class president ang takbuhan mo anak. Kapag natalo ka ay ete-train na lang kitang maging fiscalizer. Minority floor leader kung baga. At sabihin mo sa magiging adviser mo na susuporta tayo sa anumang proyekto ng iskuwelahan ninyo pero huwag ka nang gawing escort.

Tandaan mo ang habilin kong ito. Masdang mabuti ang mga larawan ng kuya mo at last na talaga 'yang ganyang project sa pamilya natin. Bahala kayo kapag later ay gusto ninyong pasalihin mga magiging anak ninyo pero huwag na huwag niyo akong bibigyan ng mga sobreng ibebenta.

Tatay





No comments: