Saturday, July 21, 2012

CONFESSIONS OF SERIAL PHOTOGRAPHER


Dear blog,

Dahil bumili ako ng bagong camera ay bigla kong naalala ang aking paglalakbay bilang isang maniniyot. Nagsimula ako na "wala lang" gamit ang camera ng aming opisina. Pero noon pa man ay ayaw ko nang pumitik ng mga taong naka-pose. At kahit wala akong formal training sa photography ay masasabi kong may mga lumilitaw nang mga elemento ng komposisyon sa aking mga kuha.

Nito ko na lamang nalaman na ang kamerang pinagpraktisan ko noon ay isang CanonEpoca. Dito ako na-break in at dito ko kinunan ang una kong lumang simbahan sa Baclayon, Bohol.


Pero hindi ang simbahan sa itaas ang paborito kong kuha noon kundi ang Tappiya Falls sa Batad, Banaue, Ifugao kung saan pinag-pose ko pa ang aking mga kumpareng sina Andreng, Arden at Dojoe para kako makita ang magnitude ng talon.


Winala ni Pare Ermin ang aking "first love" kaya ang mga sumunod na kabanata ay ang pakikiapid ko sa samutsaring mga hiram ding camera. Hindi ko na matandaan ang kanilang mga pangalan at kuha maliban sa isang SLR na hiniram ko kay Nona na dinala ko sa Bangkok. Dito ko unang kinunan ang Wat Saket at ang sementeryo nito.


Pagkatapos ng kabanatang ito ng paglalandi ay ipinakilala ako ni Pareng Oyet sa flickr at pagba-blog. Siya rin ang nagsabi sa aking hanapin ko ang kwento ng aking pamilya sa mga records ng mga lumang simbahan. 'Yung pansit ay dumating na lamang sa bandang huli. Dahil nga dito kaya nakumbinsi ko ang aking boss na payagan akong bumili ng bagong camera. At dito dumating sa buhay ko si Olympus Camedia point-and-shoot na matagal kong naging kaulayaw sa pagpitik sa mga lumang simbahan at iba't-ibang putahe ng pansit, hanggang sa bumigay ang sliding cover ng lente nito. Bitbit ko ang kamerang ito sa mga naging biyahe ko sa Cambodia, Pakistan at sa Japan kung saan nasabi sa akin ng aming Japanese coordinator na "You have a way of taking pictures" matapos makita ang mga kuha ko.


Ang kamerang masasabing tunay kong pag-aari ay isang Nikon D40 na ibenenta sa akin ni Boss Joey tatlong buwan matapos ko siyang samahang bilhin ito sa camera shop ni Mang Ramon sa Quiapo. Ang deal nnamin ay 4-gives at 1k para sa aking bunso na inaanak niya. At ito na ang aking naging kaulayaw sa mabahabang panahon. Dito ako natuto sa seryosong photography kasama ang panakanakang mga tips mula kina Boss Joey at Hermo na hanggang sa ngayon ay masasabing tanging naging training ko sa photography.


Bumigay ang shutter ng aking Nikon D40 minsang hiniram ng aking panganay na si Bulan para sa kanyang photography worksahop sa iskuwela. Ipinaayos ko ito 'dun sa Kamuning pero bumigay ulit ng dalhin ko sa Coron, Palawan. Siguro ay panahon na niya kaya minabuti kong muling isilid sa kahon na pinaglulalan niya noong una siyang dumating sa akin. Matagal din akong naulila at nagtiyaga sa camera ng aking mga mobile phone. Hanggang sa kumbinsihin ako ni Usec. Fred Serrano na subukan ang mirrorless technology ng Olympus na kamuntik nang ikapasubo ng aking credit card sa Bonn, Germany. Hanggang sa ipakita sa akin ng aming Boss Joey ang itsura at specs ng Olympus O-MD EM-5 sa internet. Hanggang sa ayain ko si Jowa na sumaglit sa Mall of Asia matapos ang personal appearance namin sa DFA para sa aming passport renewal.

At sa bungad ng mall ay namalas ko si Olympus O-MD EM-5 na kumakawaykaway sa akin kaya pikitmata kong ipinakaskas ang aking credit card sa halagang P55,220...


No comments: