Monday, December 06, 2010

ANG ANAK NI KUKULKAN


Naikuwento ko nang mahilig akong magbasa ng komiks noong kabataan ko.

Isa sa mga paborito kong serye ay ang “Zuma” --- ‘yung kulay berde at kalbong mama na may nakapatong na double-headed snake sa kanyang balikat.

Si Zuma ayon sa kuwento ay anak ng diyos na si Kukulkan, isang higanteng balahibuing ahas, na aksidenteng napalaya ng mga archeologist sa pagkakalibing sa isang Aztec pyramid.

Si Zuma ay kathang isip ni Jim Fernandez.

Si Kukulkan naman ay isang alamat na sinamba ng mga sinaunang Mayan lalo ng mga nakatira noon sa palibot ng Chichen-Itza.


Totoong lugar ang Chichen-Itza at masuwerte akong mapuntahan ito nang magkaroon ng break sa Climate Change negotiations sa Cancun. Doble suwerte pa dahil sa maagang aginaldo ni Gob. Joey Salceda ng Albay na siyang naging ninong ng aming pagpunta sa doon.

Nasa gitna ng Chichen-Itza ang Templo ni Kukulkan na kilala din sa pangalang El Castillo. Tuwing panahon kung saan magkasinghaba ang araw at gabi (o equinox) sa tagsibol at taglagas, iniluluwa si Kukulkan ng mga anino at sinag ng araw upang muling bumaba sa lupa marahil upang hanapin ang pasaway niyang anak na si Zuma. Parang mahika ang kanyang paglitaw: isang trianggulo na nag-uumpisa sa kanyang buntot at nadadagdagan ng isa pa tuwing limang minuto hanggang sa humantong sa kanyang ulo sa lupa.



Pero dahil 30 minuto lamang pambihirang pangyayaring ito ay walang sapat na panahon si Kukulkan upang mahanap ang anak niya. Mahaba ang biyahe mula Mexico papuntang Pilipinas kung saan nakatiral si Max Laurel na siyang gumanap sa pelikulang “Zuma”. Alam din kaya ni Kukulkan na may apo na siyang ang pangalan ay Galema at may kakambal itong isang kulay puting ahas?

(Itutuloy…)

MGA LARAWAN: Ang pangalawang larawan mula sa itaas na nagpapakita sa El Castillo ay kuha ng may akda ng blog na ito. Ang unang larawan naman na isang promotion poster ng pelikulang "Zuma" at ang pangatlo at pang-apat na larawan na nagpapakita at nagpapaliwanag sa paglitaw ni Kukulkan tuwing spring and fall equinox ay kinuha mula sa Google images.  

1 comment:

Photo Cache said...

ang ganda ganda jan ano? di ko pa nga post yung photos ko eh summer pa kao anjan.

i know zuma, siguro sing edad tayo :)