Dear
blog,
Dahil
bumili ako ng bagong camera ay bigla kong naalala ang aking paglalakbay bilang
isang maniniyot. Nagsimula ako na "wala lang" gamit ang camera ng
aming opisina. Pero noon pa man ay ayaw ko nang pumitik ng mga taong naka-pose.
At kahit wala akong formal training sa photography ay masasabi kong may mga
lumilitaw nang mga elemento ng komposisyon sa aking mga kuha.
Nito
ko na lamang nalaman na ang kamerang pinagpraktisan ko noon ay isang CanonEpoca. Dito ako na-break in at dito ko kinunan ang una kong lumang simbahan sa
Baclayon, Bohol.
Pero
hindi ang simbahan sa itaas ang paborito kong kuha noon kundi ang Tappiya Falls
sa Batad, Banaue, Ifugao kung saan pinag-pose ko pa ang aking mga kumpareng
sina Andreng, Arden at Dojoe para kako makita ang magnitude ng talon.
Winala
ni Pare Ermin ang aking "first love" kaya ang mga sumunod na kabanata
ay ang pakikiapid ko sa samutsaring mga hiram ding camera. Hindi ko na
matandaan ang kanilang mga pangalan at kuha maliban sa isang SLR na hiniram ko
kay Nona na dinala ko sa Bangkok. Dito ko unang kinunan ang Wat Saket at ang
sementeryo nito.
Pagkatapos
ng kabanatang ito ng paglalandi ay ipinakilala ako ni Pareng Oyet sa flickr at
pagba-blog. Siya rin ang nagsabi sa aking hanapin ko ang kwento ng aking
pamilya sa mga records ng mga lumang simbahan. 'Yung pansit ay dumating na
lamang sa bandang huli. Dahil nga dito kaya nakumbinsi ko ang
aking boss na payagan akong bumili ng bagong camera. At dito dumating sa
buhay ko si Olympus Camedia point-and-shoot na matagal kong naging kaulayaw sa
pagpitik sa mga lumang simbahan at iba't-ibang putahe ng pansit, hanggang sa
bumigay ang sliding cover ng lente nito. Bitbit ko ang kamerang ito sa
mga naging biyahe ko sa Cambodia, Pakistan at sa Japan kung saan nasabi sa akin
ng aming Japanese coordinator na "You have a way of taking pictures"
matapos makita ang mga kuha ko.
Ang
kamerang masasabing tunay kong pag-aari ay isang Nikon D40 na ibenenta sa akin ni Boss Joey tatlong buwan matapos ko siyang samahang bilhin ito sa
camera shop ni Mang Ramon sa Quiapo. Ang deal nnamin ay 4-gives at 1k para sa aking bunso na
inaanak niya. At ito na ang aking naging kaulayaw sa mabahabang panahon. Dito ako natuto sa seryosong
photography kasama ang panakanakang mga tips mula kina Boss Joey at Hermo na
hanggang sa ngayon ay masasabing tanging naging training ko sa photography.
Bumigay
ang shutter ng aking Nikon D40 minsang hiniram ng aking panganay na si Bulan
para sa kanyang photography worksahop sa iskuwela. Ipinaayos ko ito 'dun sa
Kamuning pero bumigay ulit ng dalhin ko sa Coron, Palawan. Siguro ay panahon
na niya kaya minabuti kong muling isilid sa kahon na pinaglulalan niya noong
una siyang dumating sa akin. Matagal din akong naulila at nagtiyaga sa camera ng
aking mga mobile phone. Hanggang sa kumbinsihin ako ni Usec. Fred Serrano na
subukan ang mirrorless technology ng Olympus na kamuntik nang ikapasubo ng
aking credit card sa Bonn, Germany. Hanggang sa ipakita sa akin ng aming Boss
Joey ang itsura at specs ng Olympus O-MD EM-5 sa internet. Hanggang sa ayain ko
si Jowa na sumaglit sa Mall of Asia matapos ang personal appearance namin sa
DFA para sa aming passport renewal.
At
sa bungad ng mall ay namalas ko si Olympus O-MD EM-5 na kumakawaykaway sa akin
kaya pikitmata kong ipinakaskas ang aking credit card sa halagang P55,220...