Saturday, May 21, 2011

SELF INTERVIEW HABANG KUMAKAIN NG LITSON SA REUNION NG CEd BATCH '93



Bakit ka nag-enrol sa College of Education?

Actually, business administration sana ang kukunin ko dahil 'yun ang course ng crush ko (at ng isa pang naging ex ko). Pero nakumbinsi ako ni Joey Gamboa na noo'y News Editor ng CLSU Collegian na mag-educ. Bagay daw sa writing career ko. Madaling ipasa.

Pasaway ka daw sa College noon?

Hindi naman. Ayaw ko lang talaga ang nagsusuot ng uniform. Una dahil hindi ko type magsuot ng anumang may kuwelyo. Pangalawa dahil dalawang paris ng maong na kupas lamang ang aking pantalon. Pangatlo dahil wala akong pambili (o mahiraman) ng sapatos na balat. 


Ano ang kuwento mo sa educ?

Hindi ako type ng dean noon kaya pinalabanan ako ng tiga BEEd sa college council election. Siyempre talo siya. Tapos, tinarantado ako sa university student council election kaya isinumpa kong iboboykot ng college ang lahat ng activity nila. Kaya sinuhulan ako ng 100 bangko para sa college.

Kumusta ang love life?

Isa lang naging jowa ko na tiga-educ. Barnacles ang tawag sa kanya ng mga kaibigan ko. Meron din isang unofficial girlfriend, isang crush (si 18-3), isang gusto sanang maging girlfriend (kumare ko na siya ngayon sa bunso niya), at ilang may crush sa akin (nalaman ko sa bulong). Hanggang d'un lang. Mahirap kasing tumae sa sariling bakuran.


Anong lugar sa college na pinaka-memorable sa iyo?

'Yung Room 305 kung saan kami inabutan ng 1990 killer earthquake, at yung dating opis ni Dr. Monica Quilantang kung saan niya ako ginamot sa high blood sa pamamagitan ng dasal at pag-inom ng madaming tubig.  

Proud moments?

'Nung maging dean 'yung kaibigan at kumare ko (ninang siya ni Bulan), 'yung pagiging semi-cum laude ko (1.78 GPA kahit mas madaming absent kaysa pasok), at yung hindi inaasahang masama ako sa top performers ng CLSU sa PBET (kahit hindi ako nagreview dahil kinupit ko yung pangrebyu ko sana).   

TALABABA: Ang larawan sa pinaka-itaas ay kuha ni Dr. Regidor Gaboy na ninong ni Bulan. Lahat ng larawan ay kuha sa reunion ng College of Education Batch '93. Masaya ang reunion kahit konti lang ang nakadalo. For the record, ang suwerteng nakabihag ng puso ko ay isang BSEd Filipino major na CEd Batch '93 din. Makikita siya sa pinakaitaas na larawan habang buong kagalakang idinidisplay ako sa mga kaklase niya. :-P

No comments: