Thursday, May 13, 2010

TALO AGAIN

Malas yata ako sa mga presidentiables ko.

1992 noong una akong bumoto at makalasap ng pagkatalo sa Salonga-Pimentel Movement. Hindi ako sumakay sa Jeep ni Erap noong 1998 kaya’t sumadsad ulit ako kay Raul Rocco. Noong 2004, natuklasan kong hindi pala lahat ng malapit kay Bro ay pinagpapalala nang kumampi ako kay Brother Eddie. Ngayong 2010, laglag ulit kami ni Nicky Perlas kay Big Boy Noynoy. Pero at least tinalo namin si Jamby.


Sanay na yata akong matalo.

Maliban kay Nene Pimentel, Ka Bobby Tanada, at Rebeldeng Trillanes ay wala na akong matandaang nanalo sa mga senador na ibinoto ko: Prudente, Pimentel noong nadagdag-bawas siya, Yorac, Carlos Padilla. Ngayon naman, napako sa lucky number 13 si Risa Hontiveros. Distant 17th and 19th sina General Lim at Colonel Querubin. Sina Ka Satur at Adel Tamano naman ang nangunguna sa mga kulelat.

Pero may nakakalusot kung minsan.

Katulad ni Binay na mukhang masisilat si Mar Sanchez (ay, Mar Roxas pala). Ewan ko pero masaya ako na ang isang pandak, maitim, mala-kanto boy na underdog ay mananaig sa isang liyamadong ipinanganak na may pilak na kutsara sa bibig. Ibinoto ko si Binay dahil nakakapag-identify ako sa pagiging pasaway niya at bilang protesta sa dominasyon ng mga lumang pangalang elitista sa pulitika ng Pilipinas.


Madali namang manalo actually.

Pero di ko ugaling sumabay sa agos dahil andun ang mas madami. Isaisantabi muna ang prinsipyo at paninindigan. Ang importante ay sumabit at baka sakaling maluklok. Eka nila, yan daw ang praktikal na daan patungo sa pagbabago. Sige lang pero para sa akin, hindi ‘yan ang matuwid na daan.

PAHABOL SULAT: May natanggap akong text habang isinusulat ko ang piyesang ito. Asan daw ba ako sa party list. Kako, naiinis ako dahil dumadami yata ang mga tiga-NGO na gustong maging kongresman. Pero inataduhan ko pa din kung ano meron ako ang mga lumapit sa akin na mga “progressive”. Maliban diyan ay iisang party list lamang ang ibinoboto ko mula ng mag-umpisa ito noong 1998…

1 comment:

conceptworx@gmail.com said...

okay lang naman matalo. ako rin talo eh. hehe. pero ang mahalaga hindi tayo nagpadala sa agos dahil bumoto tayo ayun sa kung sino ang gusto natin at hindi dahil sa yun ang alam nating mananalo.

masgusto ko rin si binay (actually panalo ako sa bise pagnagkataon..hehe) kesa kay mar. kung bakit din sa mga kadahilanang sinabi mo.. :-)