Monday, February 23, 2015

ANG PAGBIBINATA NI ARIEL GUIEB TANGILIG

Isang taon na si Ariel Guieb Tangilig.

Matagal nang nagtapos ang 6 na buwang pag-iiwi sa kanya at 3,453.79 kilometro ang tumayong mga ninong at ninang sa kanyang pagkakatuli na sinaksihan ng 24 na bayan at lungsod ng Nueva Ecija.

Mas maporma na siya at bihis ng mga may sinabing piyesa na ang kabuuang halaga ay makabibili ng isang disenteng bisikleta. 

Siguro dahil regular ang pa-check up niya sa klinika ni Aling Agnes kaya lumaki siyang malusog at hindi sakitin, kaya nakapag-uwi pa ng mga medalya sa 5 paligsahang sinalihan niya.

Binata na si Ariel Gieub Tangilig.

Mahilig na siyang mamasyal sa kung saan-saan, kahit nag-iisa, at nagbago na din ang kanyang mga barkada at pananaw sa pagbibisikleta.



Sa kanyang paglaki ay dumalas ang paglabas niya sa bahay lalo na sa mga pagkakataong bumibigay ang amo niya sa tukso ng mga masasarap na ipinagbabawal. 


Binata na si Ariel Guieb Tangilig pero sumasamba pa din siya bagamat at mas nagiging interesado na siya sa paglipad ng mga puting tagak mula sa mga sumasapaw na palayan.



Sa mga liblib na daan na ulila sa mga miron lumaki at nagbinata ni Ariel Guieb Tangilig. 



Doon siya natutong sumayaw ng Cha-Cha Ulupong at kumanta ng "Ang Huling El Bimbo".


At katulad ng dati kahit binata na siya, d'un siya aabutan ng pagsikat ng araw...


Monday, February 16, 2015

THE 10-POINT MTB AGENDA

[1] Malaki ang diperensiya ng P100,000 para sa laparoscopic surgery at ang P24,000 na ipinambili ko kay Ariel Guieb Tangilig. 

[2] Nababagot akong nagtatatakbong mag-isa, laos na ako sa basketball, at bongol ako sa tennis.

[3] Sa buong buhay ko ay nagmay-ari kami ng tatlong bisikleta --- isang blue semi-BMX na binili ng tatay ko sa Quiapo, isang green baby racer na pinagtangkaang nakawin habang nagpapapulong ang mga PC , at isang japayuki na napanalunan ko sa raffle draw --- bago dumating si Ariel Guieb Tangilig at Lupo Domingo Quilban sa buhay namin.

[4] Napakagandang panoorin ang pagsikat ng araw habang nagbibisikleta.  


[5] Almusal na palabok o spaghetti mula sa Jollibee dahil wala nang tao sa bahay namin pagdating ko mula sa pagbibisikleta. 


[6] Kailangan kong sunugin ang nainom kong kalahating kahon ng San Mig Lights at pinulutang adobong tupa dahil kumanta ng "Luha" 'yung aleng naka-short sa ibaba...


[7] ...at dahil Valentine's Day ay mapasyalan 'yung kubo sa maliit na isla ng Lingap Kalikasan kung saan kami unang nag-date ni Jowa.


[8] Kailangang durugin ang litsong baboy at baka na inulam namin bago ko pinityuran ang mga nasa ibaba...


[9] ...at para tuklasin ang misteryo ng sangandaan paglabas ng Casulucan Este.


[10] Maligaya ako sa pagbibisikleta.

Monday, February 09, 2015

DISCERNMENT

I don't drink that much anymore.

Or maybe, the right words are "I seldom drink now".

Seldom but I still do.

And when that happens, I really drink. 

Perhaps that's why I now snooze on the table which I never did.


I was not a regular biker before.

I do now, a lot, and chase roads and trails even when there's none.

Especially after one those "seldom drink" and "really drink" moments. 

The idea was to burn the prohibited intake, to abort the fat and alcohol from spawning into stones that made a quarry of my bile, so I can "seldom drink" and "really drink" again.   


I biked a lot after my retirement.

And drank a lot too.

Not after the fact but to renew and celebrate friendships that work and distance have eclipsed.


But more than the wine bottles and kilometers amassed, retirement also reminded me that there is another world.

And that I never really left that world, like the old friends who remained.

That mountain biking is not just burning excesses but a lot of hidden trails out there waiting to be explored.

Like those two dirt roads between Mangandingay and Burgos which I never knew existed.


Today, I nailed (Ret) after my name with no regrets.

I thought I did good and I can do more, but I'm not coming back...

PHOTO CREDITS: To Angge Serdinola is credited my alcohol-induced stupor which she took with Jet Alonzo's camera, while Bong Soriano captured the moment of my foray into Aloha Falls and a frame from Fr. Apolo de Guzman's bienvenida cum despidida.

Monday, February 02, 2015

SENTI

Ngayong araw, pagkatapos ng mahigit 21 taon, ay opisyal akong napabilang sa 12.4 milyong Pilipino na walang trabaho. 

Ang tawag ng kumpanya namin ay "retirement" pero ganun na din 'yun.

Merong trabaho sa Eastern Samar pero ayaw ko munang lumayo; madami ang nag-alok pero ayaw ko munang magtrabaho.

Kasi kailangan ko ng panahon, ng space, para magnilay.

Kailangan kong kalamayin ang kalooban ng aming mga partners na hindi kami nagsara, na nandito pa din kami, na mauuna silang magsasara bago kami.

Kailangan kong patunayan sa mga samahang kasama naming nangarap na hindi lamang suweldo ang dahilan kung bakit kami nandito.

Pero dahil wala na nga akong trabaho ay mas madami kaming panahon ni Ariel Guieb Tangilig na maglakbay sa mga lugar na dati'y ni hindi ko alam na nandun, katulad ng Buted sa Talugtug kung saan ako inabutan ng isa sa pinakamagandang umagang namalas ko sa Nueva Ecija.  


Kung tumuloy pa sana kami hanggang sa "malaking highway" at pinatulan ang daang kalabaw ay napuntahan na din sana namin ang Kalabasa Trail.

Pero hindi iisa ang araw.

Kaya bumalik kami, matapos magpaliwanag sa Aksiyon Klima na hindi kami nagsara, matapos muling makadaupan si Dudoboi at ang mga maligno ng Mother Ignacia. 

At sa Tibag, sa pagitan ng Nueva Ecija Ecija at Pangasinan, ay napatunayan naming meron ngang malaking highway sa gitna ng mga burol at parang!

At sa Lupao, ilang kilometro mula Umingan, ay may malaking dam na kasing tigang ng Atacama Desert!


Siyempre uuwi kami pagkatapos ng bawat pagbibisikleta, at bumabalik ako sa lumang upuan at mesa ng malaking kuwarto ng lumang bahay na pinalalamig ng lumang aircon na naging opisina ko ng mahabang panahon.


Wala naman kasi akong gagawin sa bahay matapos magluto ng almusal, maghugas ng plato, at magpakain ng mgs aso.

'Tsaka mas mabilis ang internet sa opisina kaya mas mabilis magdownload sa YouTube.

Kailangan ko ding ayusin ang paglalabas ng aking retirement benefit para meron naman akong baon at hindi manghingi sa asawa.

Higit sa lahat, kailangan kong magpanggap na meron pa din akong trabaho...