-I-
Wang Ni Hao ang pangalan ng tour guide namin.
Apat na grupo kami sa tour van: tatlong mag-anak na Intsik mula Shanghai, dalawang Swedish na napagkamalan kong mag-syota pero hindi naman pala, isang matandang Belgian at ang jowa niyang inglesarang Intsik, 'tsaka ako.
Suot ko pa din ang slacks mula kahapon [ika-day 4 na niya], batik na polo na minsan ko nang naisuot sa Stockholm, at panibagong pares ng gamit na ding medyas.
Pero at least, bagong laba ang brief ko kahit medyo basa pa.
Napansin ko agad 'yung nakadungaw na tato ng ulo ng dragon sa dibdib n'ung seksi pero may edad na ding kasama n'ung Belgian na ang buntot ay nakalaylay na sa may malapit sa singit niya.
Mahaba ang pasakalye ni Wang Ni Hao habang pabiyahe kami papunta sa Ming Dynasty Tombs.
Flawless ang Ingles niya.
Patango-tango lang ang mag-anak na Instik.
Hanggang sa makarating kami sa Ming Tombs.
Flawless pa din ang Ingles ni Wang Ni Hao.
Pero pagdating namin ng Ling'en Gate ay nagwala na 'yung mamang Instik.
Matagal silang nag-Intsikan ni Wang Ni Hao.
Mayamaya ay lumapit sa amin ang tour guide.
Eka niya ay kailangan na din niyang mag-Intsik mula sa puntong 'yun dahil hindi nakakaintindi ng Ingles 'yung asawa n'ung mama.
Wala namang naging problema mula noon hanggang sa matapos ang tour namin sa Changling Tomb at mananghali kami sa jade factory.
'Yung aleng hindi nakakaintindi ng Ingles pa ang nagbuhos ng mga tsaa namin.
At nakadungaw pa din ang dragon sa dibdib n'ung seksing Instsik.
-II-
Tumuloy kami sa Badaling.
Malaking bagay sa akin ito dahil labis pa din ang aking pagsisi na hindi ko pinatulan ang Great Wall tour noong 2010 sa Tianjin.
At dahil lamang sa paghihinayang sa punyetang $100 tour fee [RMB200 lang ang ibinayad ko sa tour na ito, kasama ang pagkain].
Pumila kami sa pagsakay sa cable car habang bumibili si Wang Ni Hao ng mga ticket namin.
Flawless pa din ang Ingles niya.
At sa wakas, narating ko din ang Great Wall of China...
Mainit, walang masisilungan, at tumatagas na ang pigil na ihi sa bagong laba kong brief.
Kaya bumaba na ako at tumambay sa ilalim ng mga cherry tree habang kumakain ng ice cream [popsicle ang tawag sa atin].
Mayamaya ay dumating na din ang Belgian at si aleng seksi.
Napagod yata ang dragon dahil hindi na makita sa dibdib ni aleng seksi.
Dumating si Wang Ni Hao.
Flawless pa din ang Ingles niya.
Pabalik ay dumaan kami sa Olympic Park.
Huminto kami sa Dong Wu Silk Museum at matapos mamili ay inihatid na kami sa aming mga hotel.
Flawless pa din ang Ingles ni Wang Ni Hao pero 'yung ulo ng dragon ay sa singit na ni aleng seksi nakadungaw.