Saturday, November 07, 2009

ANG ALAMAT NG LIHAM NA NILUNOD SA INODORO

Ewan
kung napansin mong
kulay asul ang luhang kumatas
mula sa sulat na matapos mong lamukusin
ay nilunod sa inodoro ng ‘sang tabong tubig
at kumitil sa lagablab ng murang pag-ibig.

Marahil
may tilamsik na umalpas
gumapang, dumikit sa ‘yong balat
mantsang nangati at kailangang kamutin
dalawamput-isang taon matapos mong lukutin
at 6,772 milyahe mula kung saan ito inilibing.

Baka lang
sa limang oras na inumit
ang nalusaw na talata’y bumalik,
duduyan sa iyong karinyo at lambing
at sa maligamgam na tsaa at kape’y ipagbunyi
ang panghihinayang at kinimkim na pananabik.

Siguro
ang bakas na naiwan sa aking puso,
at anino mong kumipkip sa aking braso
ang aaruga sa dighay ng masakit na puson
at ang marahil ay una at huling pahimakas nito
sa ala-ala ng sulat na inilibing sa inodoro.

3 comments:

Baliw Na Kabayo said...

Napakaganda ng iyong "Alamat". Sana dumami pa ang tulad mo para ibangon ang sining ng Pilipino.

Anonymous said...

Hopefully you win jackpot and I believed you will not times at church and maybe you enjoy with beautiful woman
----------------------------------------------------------------------
Revealed The Secrects,Tips and Tricks To Make Money Online at the hottest blog >>>> www.rizaine.blogspot.com

Anonymous said...

...................................................