Ang sumusunod ay akda ni Shubert Ciencia na nilapatan ng musika ni Nine Alcanzare para sa palabas ng LAHAR-GL noong 1993 sa CLSU.
MAGSASAKA:
Oo, tayo’y anak pawis
Sa araw at putik amoy panis
PInanday tayong mga lilik
Upang ang mundo’y ipaggiik
Huwag mong naising ipagpalit
Ang pamana sa pangarap na pilit
Ito’ng tumighaw sa dalit
Ng mga anak ng diyos na iniibig
Mabigat man ang araro at lubid
Madawag ang damo sa bukid
Lupa’y di dapat lisanin
Ito ang nagsilang sa mga bituin
AYTA:
May tuwa at galak na pagmasdan
Mga biyayang sa ati’y inilaan
Mga salagubang na nagliliparan
At papayang nagyayabangan
Kaydaming pangil, sungay at pakpak
Nakikipagtaguan sa mga bayawak
Namamahay sa mga puno at lungga
Tinutukso mga mangangaso ni Bathala
Apo Mallari, maraming salamat
Sa handog mong buhay at alamat
Lupang nagsilang sa lipi mong mahal
Binhi ng buhay na aming binubungkal