Saturday, June 15, 2013

HULING SABADO SA BONN

Buwisit na Kolsch at Riesling 'yan.

Hindi yata magkatono kaya para akong nabati kaninang umaga.





O hindi na talaga ako sanay uminom?

Torture din ang almusal na hindi nagbago sa loob ng 15 araw na inilagi ko sa Hotel Haus Berlin.

Pero kailangang kumain dahil mahaba ang lalakarin ko para patayin ang isang araw na nakabalakid sa flight pauwi sa Pilipinas [$500 kasi ang dagdag kung ngayon ako nagpa-book ng flight].

Kaya lumunok ako ng isang manipis na cold cut, isang maliit na piraso ng hilaw na pink salmon, at isang hiwa ng kamatis na may nakapatong na mozarella cheese na kaagad kong hinugasan ng kapeng walang asukal at gatas.

Sa Bonn, hinanap ko muna 'yung mamang 
nakatuwad sa may Kennedy Bridge [ipinagawa daw ng meyor ng Bonn dahil hindi tumupad sa ambagan ang kabilang bayan sa pagpapagawa sa tulay] bago ako tumawid sa kabila ng Rhine para hanapin ang Doppelkirche Schwarzheindor.


Halos isang oras din akong naglakad.

Nagtanong ako sa isang dalagang Aleman nang mapakiramdaman kong naliligaw na ako.

Sinagot naman niya ako sa German language na naintindihan ko yata dahil narating ko din ang simbahan.


Pagbalik ay sumakay na ako at bumaba sa bus stop na inakala kong malapit sa natanaw kong simbahan habang tinatawid namin ang Kennedy Bridge.



Pagkatapos ay nagwiwi muna ako sa Karstadt.

May mga naka-sale na bag kaya bumili na din ako ng isa para sa mahal kong laging naiiwan sa bahay namin sa Bacal 2 [discounted prices lang muna ang kaya ko pero libo din 'yun kapag kinonbert ang Euro sa piso].


'Tsaka ako naglakad ng naglakad ng naglakad.

Hanggang sa nakatisod ako ng libreng bratwurst at beer.

'Yun at isang piraso ng walang lasang pizza ang pananghalian ko habang nakaupo sa tabi ng isang maliit na fountain kasama ang dalawang batang Aleman na nilalaro ang tubig at mag-asawang turistang mga hapon yata.

D'un ako nakaramdam ng lungkot.

Siguro dahil nag-iisa ako o dahil masyado ko naman yatang inaapi ang sarili sa pagtitipid sa pagkain para may maipambili ng maipapasalubong [oo, madalas na instant noodles lang ang hapunan ko 'tsaka orange juice; kung minsan may panghimagas naman na tsokolate].


Naglakad ulit ako hanggang sa kailangan ko ulit magwiwi kaya pumasok ako sa Galeria.

D'un na ako bumili ng mga German sausage na maiuuwi.

Nagmerienda muna ako ng gelato sa Marketplatz habang pinapanood ang ritwal ng isang nagaganap na kasalan.


Saka ako nagpasiyang umuwi na.

Pero dumaan muna ako sa Rewe pagdating ng Bad Godesberg para bumili ng keso at mga tsokolate.

Alas-5 na ng hapon nang makarating ako sa malungkot kong kuwarto sa hotel.

Nag-ayos ako ng mga pinamili habang nanonood ng CNN na tanging English channel sa TV.


'Tsaka ko isinulat ito.

Bukas, uuwi na ako sa Bacal 2.

At parang ayaw ko nang bumalik sa Bonn...

No comments: