Monday, April 25, 2016

MEETING PA MORE!

Panapanahon lang.

Noong araw, ang simpleng pangarap ko ay makasakay ng eroplano.

Natupad naman kaya nag-level up na sana ay matatakan naman ang passport na nag-expire nang hindi man lamang nagamit.

Naganap din 'yan kaya nag-one up ulit na madikitan naman sana ng visa ang passport.

Ngayon ay tadtad na ng visa ang passport ko.

Isang kontinente na lang, puwera ang Antartica, at naikot ko na ang mundo.

Pero parang ngayon ay mas gusto ko pang magbisikleta at magluto ng hapunan kesa magbiyahe.

Nitong nakaraang buwan ay nakahanap ako ng mga matitibay na dahilan para hindi makadalo sa dalawang pagpupulong na ikinasa sa Bangkok.

At lihim akong nagalak na hindi natuloy ang South-South Conference sa Phnom Penh, na nakalimutan akong muling ayain ni Derk na sumama sa papulong niya sa Addis Ababa.

Kaya siguro ako pinarusahan ng sangkatutak na mga pagpupulong.

N'ung Miyerkules, apat na nakakabalinguyngoy na pulong ang nagtapos sa plenaryo ng mga pantas.



N'ung Huwebes, hindi mabilang na mga maliliit na pulong ang isinagawa ng mga operador sa mga iskinita ng isang malawakang diskusyon tungkol sa El Nino.


At n'ung Biyernes, natunaw ang mga kendi sa masidhing kuwentuhan na naganap papuntang Tagaytay, habang nasa Tagaytay, at pauwi mula Tagaytay.


Pagdating ko ng bahay n'ung Sabado ay nagtawag ng pulong ang nag-iisang sinusunod naming lahat para pag-usapan ang pag-uwi ni Bulan mula Iloilo sa katapusan ng Mayo, at kung papaano gugugulin ni Balong ang apat na buwan niyang bakasyon.

Kaya n'ung Linggo ng maagang maaga ay tahimik kaming nagbisikleta ni Balong, hindi dahil inaantok pa kami, kundi dahil hindi ko mawari kung papaano ko babakahin ang nakaambang dalawang malawakang pagpupulong na ang pamagat ay nag-uumpisa sa "Annual" at "Grand", habang tinutuklas namin ang mga nakatagong kalsada sa pagitan ng Maligaya at Baloc.

No comments: