Monday, July 30, 2018

PANGHIMAGAS SA ADOBONG STRATEGY PAPER NA IGINISA SA CONCEPT NOTE AT PINIGAAN NG GATA NG DISCUSSION PAPER

Malupit sina Inday at Josie, at mabangis ang iniwan nilang ika-apat na linggo ng Hulyo. 

Ano ang mauunang ititipa --- ang strategy paper, ang concept note o ang mga case study ng isang discussion paper?

Naging malalim ang hugot sa pagtimpla ng mga pangungusap at sa pagsangkutsa ng paksiw upang maging nilaga habang pinakukuluan ang isang wataw na sanaysay hanggang sa maging isang mangkok na lamang.

Hindi kinaya ng dalawang araw na pagbibisikleta ang pagbubuhol sa mga salita kaya kumirot ang balikat sa pagkakaluklok ni GMA at ang napipintong muling pagkabigo ni Narion Quintana. 

Nakakaumay ang nagmamantikang adobo... 




Kaya pansamantala ay iniwan ko muna ang kusina para hanapin ang musa sa mga katha ng magiting na si Amorsolo dahil ang sarap ng adobo ay kikintal isang araw matapos itong lutuin. 



Adobo kaya ang ulam ni Juan Luna noong iginuguhit niya nga kanyang mga obra maestra?

Si Felix Hidalgo na ipinanganak sa Binondo ay pinalaki sa comida de china kaya siguro second place siya palagi kay Juan Luna. 



Marahil ay nag-ulam din ng adobo sina Guillermo Tolentino at ang umano'y modelo niyang si FPJ Sr. habang nililok ang UP Oblation.


Sa mga obra naman nina Vicente Manansala at Botong Francisco maaaninag ang pagkalas sa realidad patungo sa mala-Picasso na paglikha, adobo fusion kumbaga, samantalang ang kay Jose Joya naman ay mahirap lunukin, binansagang adodo pero siya nga ba o tae ng alien na ipinahid sa pader?




Nakakatanggal umay ang pansamantalang paglukob sa anino ng mga Maestro at Henyo na para bagang minatamis na saging sa dulo ng masaganang handaan.

At sa Binondo kung saan hindi uso ang adobo ay nahahasa ang panlasa sa mga bagong tuklas na pagkain katulad ng homang, hakao, tostadong palaka at bihon guisado na ga-palad ang sahog.


Sa wakas ay natunton ko din ang Ling Nam at ang pamoso nilang beef asado wanton mami na ayon sa aking may bahay ay lasang pares (adobong baka?).


Sa mga panahon na wala nang gata na mapiga, mas mainam isipin na ang mundo ay napapalamutian ng mga panghimagas, na ang mga strategy paper, concept note at mga case study ay pawang mga guni-guni lamang na walang puwang sa aming padespedida kay Bulan.


Walang bentang adobo sa SIDCOR Sunday Market...


...dahil lahat ng adobo sa mundo ay iniwan ko sa Bakal 2, mga concept note at case study na ibinalibag sa internet noon pang Biyernes, mga kaibigang babalikan at naghihintay sa piging ni Mr. Martin, at strategy paper na malapit nang mainin.

Ang lapot sa aking adobo ay katas ng nalusaw utak, at pasintabi sa mga Iglesia na ang ginamit na pampakulay ay hindi toyo kundi dugo mula sa mga pumutok na ugat...

No comments: