Monday, July 02, 2018

HOPIA, PALAKA AT PORK CHOP

kabibi, morcon at salmon ang terno sa maasim na chardonnay bagamat napatunayan namin nung Biyernes na puede ring ipilit ang maanghang na mami, magalas na cold cuts at tuyot na litson

hindi lang ako sigurado kung babagay din dito ang pares na maaaring maitanong sa magiliw kong therapist na ang kamangmangan sa deep tissue massage ay napagtatakpan ng amoy ng kanyang pawis 

 

ang alak ay pampagana na para bagang "GLP muna bago Binondo" kung saan kami nagtalo alin ang best hopya ng pinakamatandang Chinatown: ang ube ng Eng Bee Tin o ang monggo sa Po Chuan Tin  


mula Salazar ay lumundag kami pa-Estero para panoorin kung papaano binabalatan ang mga palaka bago ito katayin, pagulungin sa rekado at iprito ng tustado na buong galak na dinapurak ng gutom nang si Bulan  



at bilang panghimagas ay kumabila kami sa Norberto Ty para lasahan kung ang pamosong pork chop ng Tasty Dumplings ay katono ng chardonnay na halos kaparehas sa lasa ng iginayak na sawsawan kaya masasabing puede na rin marahil...

No comments: