Monday, July 23, 2018

ISANG LINGGONG WALANG JUICE

Martes ng hapon nagparamdam si Inday matapos ang bigo naming pagsalakay ni Bulan sa mamihan at shabu-shabuhan ni Kuya Rhommel sa may papuntang Sapang Kawayan.

Pinagbigyan niya munang kuryentehin ako ni Cathy bago siya dumating na parang istambay na dumayo sa inuman kahit hindi inanyayahan, at hindi aalis sa kabila ng mga pasaring hanggat hindi nauubos ang pulutan.  



At sa loob ng tatlong araw ay hindi siya lumubay hanggang sa lumubog ang Quezon at Licab, at nagmistulang dagat ang mga bukid sa kabilang bahagi ng kalsada sa Baloc.

"Juice ko!" ang tangi ko naibulalas sa mga nawalang araw ng pagbibisikleta na sa totoo'y palihim na pasasalamat dahil hindi nakapasok si Jowa kaya sabay naming isinaing and kanyang first quarter report at ang aking mga case study. 

Heto na nga yata ang siyam-siyam, ang pansamantalang pagkaidlip ng Diyos, kaya ako nasabuyan ng maduming tubig baha n'ung Biyernes ng hapon bago ko nakuha ang sapin-sapin at naisuot ang barong tagalog nang mabilis na umoberteyk sa kanan ang walang modong pick-up.

Tuluyang napasok ng ulan ang loob ng Lohiya n'ung Sabado ng umaga kaya kumuha ng videoke si Kuya Paeng para kantahan ng pasyon at alayan ng juice ang masamang panahon, na hindi yata tumalab dahil binangga ng mga lasing ang Innova ni Kuya Rene habang tahimik na nakaparada sa gilid ng kalsada at kami'y nagpapakulo ng shabu-shabu pagkatapos ng pulong ni Kuya Jun.  




Linggo, bahagyang tumila ang delubyo, kaya kami nagpasyang mananghali ng steak sa Cabanatuan na pakiwari namin pagkatapos ay para kaming naswitik sa kapirasong makunat na karne at malabnaw na juice kaya bumili pa ako ng dalawang litro ng Johnny Walker Black bilang panangga kay Inday na bumalik kinahapunan at binuhusan ng ulan ang naglalagablab naming inuman sa bowlingan.  


No comments: