Monday, January 02, 2017

ANG BAGO KONG SAPATOS

Sa Zenco Footstep ng Santiago binili ng Tatay ko ang pulang Adidas "Superstar" na siya kong kaunaunahang seryosong sapatos matapos matanggap ang padala ng Nanay kong nagbitiw sa pagka-guro at namasukan bilang katulong sa Singapore, na tinambalan ng noo'y sikat na Indian Moccasin [aka topsider] at kasabay sa pagpapabaston ko ng mga bell bottom na pantalong pamana ng mga nakatatandang pinsan, para naman makasunod ako sa uso.

Lumaki ako sa mga pamigay at hindi partikular sa mga damit at sapatos, basta't may maisuot katulad ng Bida at Bata na naka-bargain sa Zenco Footstep ng Dagupan, may pasobrang isang pulgada bilang pag-antabay sa paglaki dahil ang mga sapataos na 'yun ay aabot ng ilang taon hanggang sa kailangan nang ipasa sa iba, kaya hindi isyu sa akin ang aking mga lumang Merrel at Reebok na nakarating sa kung saang lupalop ng mundo bagamat tadtad na ng tahi at halos hindi na mapagdikit ang mga nakangangang toe box, na sa tingin naman ni Jowa ay labis na pagkawawa sa sarili ko kaya na-obliga akong maghanap ng bagong sapatos matapos naming samahan si Kuya Jojit sa kanyang pamamanata sa "Bahay ni San Jose", sa kundisyong hindi dapat lumampas sa presyong P3,000.00 dahil hindi na tama para sa akin magsuot ng mas mahal pa du'n, kaya nauwi sa Adidas Neo dahil kahawig ng tennis shoes at Stan Smith na astig nu'ng araw sa Bambang, at sa tingin ko'y bagay sa aking mga maong na kupas.    


Ako'y isang simpleng mamamayan ng mundo, hinubog sa marahas na kahirapan, natuto sa mga masasakit na karanasan, naantig na mangarap sa kinabukasang mas higit pa sa natatanaw sa loob ng balon, nabigyan ng pagkakataong maglayag, at kahit papaano'y nabibili na ang gustong bilhin.  

Pero noon pa man, itinakda ko nang hanggang ganito na lang talaga ako dahil para sa akin ay kumplikado nang dalhin ang anumang sobra, dahil mas masaya ang simple pero magaan na pamumuhay, sa piling ng mga samahan at pagkakaibigang tubog sa panahon, at ang kasiyahang dulot ng isang litsong baboy tuwing bagong taon. 


Suot ko ang bago kong sapatos nu'ng bagong taon nang magtungo kami sa Pozzorubio para sa biglaang reunion ng aming lahi, sa isang ordinaryong resort na hindi pa nagbabawal sa paliligo nang nakapantalon at hindi nagbubuhos ng chlorine sa swimming pool, kung saan ako nangakong tuluyan nang iwaksi ang paninigarilyo, saksi ang dalawang litro ng Red Horse at ang aking mga pamangkin, na para siguradong mangyayari ay ipinaulit sa akin ng aking pamilya sa tirikan ng mga kandila ng Simbahan ng Manaoag.




May isa pa pala akong bagong sapatos pero sa susunod na bagong taon ko na siguro maibabahagi ang kuwento nito...

No comments: