Thursday, August 11, 2016

MAPAKLA ANG KATAS NG TUBO SA KABANKALAN

dinilig ng hamog na sumingaw mula sa bunganga ng buwaya 
laway ng katuwang sana na hindi naman pala
bala o pera?



ang batas mula sa dagta ng mga inialay sa tulay ng Mendiola
ipinatuka sa manok na iginayak para sa mga propeta
inasal o tola?


sa Marihatag ibinurol ang pangakong isang ektarya 
batas na binihisan ng ternong butas-butas
basahan nga lang ba?



sa Valladolid ililibing ang maasim na binurong katas 
mapaklang katulad ng hangin sa hacienda
sementeryong isang ektarya?




pero ang tubo sa Cadiz na itinanim sa basag na semento
namulaklak ng rosas at namunga ng monggo
matamis ang tunay na lasa ng tubo? 



ang mapaklang katas ng tubo sa Kabankalan
ang tamis ng inaning tubo sa Cadiz
ang siyang lasa ng pala-pala sa Bacolod...

No comments: