Monday, November 03, 2014

ANG MISTERYO NG TRIALA

Ang Triala ay hinango sa mga pangalan nina Trining at Ala, mga anak ni Hen. Manuel Tinio na siyang pinakabatang heneral sa kasaysayan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, na nagtayo doon ng isang magarang bahay na di umano'y tinuluyan minsan ni Dr. Jose Rizal, na siya ring naging gobernador ng Nueva Ecija at namatay ng maaga dahil sa nanigas na atay sanhi ng sobrang hilig sa Tres Cepas Brandy.

Pero hindi 'yan ang misteryo.

Saan nga ba lulusot ang kalsada ng Triala? 

Patay na si Ka Jack, gumuho na ang learning farm sa bukid ni Ka Mario, at narating na ng bikini open ang resort ni Cong Edno.

Saan nga ba ang dulo ng kalsada?

Kaya para tuldukan ang misteryo ay tinaluntun namin ni Ariel Guieb Tangilig ang irigasyon mula Labney hanggang sa lumusot kami sa Triala, kumaliwa papuntang Caballero, tumuloy hanggang Sta. Cruz, dumeretso ng San Bernardino, at lumabas sa Tampac 2. 

Mali ang hinala ko na sa Sto. Domingo-Licab Road ang lusot nito.

Ang dulo ay ang Guimba-Quezon Road kung saan sinabayan ako ng mamang nakasakay sa ordinaryong bike hanggang huminto ako sa crossing para sumipsip ng Pocari Sweat at magmunimuni kung tutuloy ako ng Licab hanggang Guimba, makikikain ng almusal sa mga maagang dadalaw sa sementeryo, at pagkatapos ay tuklasin ang isa pang misteryosong kalsada sa may Cavite na lulusot daw ng Munoz, 

Sa Simbahan ng Banal na Mag-anak ng Quezon kami tumuloy ni Ariel Guieb Tangilig at mula dun ay inabutan ko sa tulay papuntang Aliaga 'yung mamang nakasabayan ko sa pagbibisikleta paglabas ng Tampac 2. 



Sa kabayanan ng Aliaga na kami ganap na naghiwalay --- siya'y kumanan papuntang Zaragoza at kami naman ni Ariel Guieb Tangilig ay kumaliwa at pansamantalang humimpil sa Simbahan ng Nuestra Senora Delas Saleras.


Mula Aliaga ay nadaanan namin ang sangkatutak na pinatutuyong palay sa Bibiclat, ang nakakainis na trapik sa Talavera kung saan ako hinarang ng isang kapatid na bumbero, ang saradong opisina ni Kuya Jun sa may gasolinahan nila sa Baloc, sina Kuya Jojit at Ate Haydee na kasalukuyang nagbebenta ng kahon-kahong Red Horse, at ang bahay namin sa Bacal 2 kung saan kami nag-umpisang pumadyak ni Ariel Guieb Tangilig para tuklasin ang misteryo ng Triala.

At ganyan na nga ang kinalabasan ng aking Undas at ang paggunita sa unang taong anibersaryo ng aking pagkaka-ospital dahil sa bato sa apdo.

Naipadyak ko na din ang beer at kilawing bangus na nakonsumo sa birthday ni Kuya Amang.

Meron pang kailangang tunawin na San Mig Lights at pinispisan na kambing kina Kuya Edong kaya kinabukasan ay inaya kong umakyat sa Villa Isla sina Bulan at Lupo Domingo Quilban at pagkatapos ay magkape kina Manang Ising sa Mangandingay.

Kayang-kaya ni Bulan ang mga akyatin pero hindi namin nahanap ang bahay ni Manang Ising sa Mangandingay...


No comments: