Dear Joey,
Ganun na nga natapos ang kuwento natin.
Sa dulo ay hindi nakita ng prinsipe ang hinahanap niyang nawawalang prinsesa na may mahabang buhok.
Bagkos ay nangapuwing kami sa sumabog na mga upos ng sigarilyo at nasamid sa alak na biglaang sumirit mula sa sisidlan nating mga mortal.
Ni hindi ka nagparamdam na aalis ka.
Ang huling mga usapan natin ay mga habilin sa mga planong bubuuin, mga report na hahabulin, at mga proyektong bubunuin.
Susubukan namin.
Pipiliting idikit ang mga pahinang marahas na napilas at tatangkaing dugtungan ang mga biglaang naputol bagamat alam naming ikaw lang ang kasya sa iniwan mong upuan.
Hindi kami sanay na kami lang.
Hindi kami sanay na silipin ka maya’t-maya sa malalim mong paghimbing.
Hindi kami sanay na wala ka na.
“Matatanda na kayo”.
Oo, pero sa aming mga matatanda ay ikaw ang nakaupo sa ulo ng hapagkainan na ang pagkalinga at pagmamalasakit ay lubos na nagpagaan sa aming kalooban.
Ayos na sana. Pero biglang nagkagan’un.
Humayo ka ng mapayapa. Pangako, aalagaan namin ang mga umusbong na bulaklak mula sa iyong mga bakas.
Pero ngayon, pagbigyan mo muna kaming timplahin ang mapait na kape sa patak ng aming mga luha…
…dahil hindi madali para sa amin ang makasanayang wala ka na nga…
1 comment:
sabi nila, sa tuwing may nalalagas ay may umuusbong na bagong talbos...katulad pa rin ng mga dating adhikain, iisa pa rin ang minimithi, iba't-ibang pamamaraan......PADAYON!
Post a Comment