Tuesday, February 26, 2013

JOEY'S GIFT

Matagal na naming plano magpunta ng Intramuros mula nang madiskubre ni Balong ang misteryo ng mga lumang simbahan na araw-araw niyang natutuklasan sa pagbuklat sa mga librong pinalaya ko na mula sa nakasusing kabinet.

"Gusto ko ding puntahan ang simbahan ng San Agustin!" ang wika niya lalo nang malamang nakarating na doon ang kanyang Kuya Bulan. 

At para matigil na ang kanyang halos araw-araw na pagmumuryot tuwing naaalala ang San Agustin, itinakda naming puntahan ang Intramuros sa Pebrero 25 na deklaradong piyesta opisyal. 

Pero biglang nagpaalam si Joey.

Kako, mauna na ako sa Maynila at maglalamay pa. Sumunod na lang kayo sa Lunes.

Ganu'n na nga ang nangyari.

Pagdating sa simbahan ng San Agustin ay masayang ibinalita ni Bulan na biglang gumana ang may diperensiyang shutter button at auto focus ng ipinama ko sa kanyang Nikon D40. Halos isang taon nang may sablay ang kamerang 'yun na dalawang beses ko na ding ipinaayos.


"Anong ginawa mo?"

"Wala lang. Binugahan ko lang nitong blower habang pabiyahe papunta dito".

Hindi ako umimik.

Galing kay Joey 'yung kamera. Kasama ako n'ung bilhin niya 'yun kay Mang Ramon sa Hidalgo. Ibinenta niya sa akin ng 21k pagtakatapos ng apat na buwan. Four gives. Pakimkim yung butal na 1k sa inaanak niyang si Balong. Siya din ang nagsabing bumili ako ng panlinis na blower.

'Yung kamera na 'yun ang unang DSLR ko. D'un ako tinuruan ni Joey na mag-portrait photography. D'un ako naging seryosong photographer. D'un ako nakilala bilang maniniyot ng mga lumang simbahan at pansit.

Hindi pa din ako umiimik.

Naglakad kami papuntang katedral ng Maynila.

Sarado, kaya tumuloy kami nang Fort Santiago.





Pagkatapos ay inaya ko sila sa Binondo para mananghali. D'un sa pinagdalhan sa amin ni Joey noon, malapit sa simbahan nang Sta. Cruz.

Inorder ko ang mga inorder ni Joey noon: hakaw, taro puffs, mami with roasted duck.  


Pag-uwi ay nadaanan namin ang simbahan ng Binondo. Saglit kaming huminto at nag-alay ng panalangin para sa ala-ala ng isang kaibigang naging kabahagi ng aming pamilya. 


Salamat Joey. Pinagbigyan mo si Bulan.

Masaya si Balong. Narating na din niya sa wakas ang simbahan ng San Agustin...

No comments: