Saturday, November 19, 2016

MARRAKESH SA LOOB NG TATLONG ORAS

Pasakalye

Habang nag-aalmusal kami ng walang kamatayang pancakes at tinapay ay napag-usapan namin ni Riza kung papaanong gugulin ang natitirang oras namin sa Marrakesh. 

AKO: "Mag-aayos na lang ako ng dokumento dito sa hotel".

RIZA: "Punta naman tayo sa isang garden para makakuha ako ng mga pictures na gagamitin ko sa pagpipinta"

BINBIN: "The garden that has a letter J in its name is beautiful"

RECEPTIONIST: "I'll ask my friend if he can arrange a short tour for you".

FRIEND NG RECEPTIONIST: "The must-visit sites are the Majorelle Garden, Bahia Palace, and Saadian Tombs. I can take you there for 500 dirhams".


Alas-10 hangggang alas-11 ng umaga sa JARDIN MAJORELLE


Sa halagang 70 dirham ay natuklasan kong ang garden pala ay hindi lamang mga halamang bulaklak at talbusan ng gulay.

Isa din pala itong koleksiyon ng kung ano-anong cactus at puno na matiyagang inipon, itinanim at inaruga ng pintor na si Jacques Majorelle mula nang manirahan siya at makabili ng lupa sa Marrakesh noong 1923.  



Noong 1931 ay inumpisahan niyang ipagawa ang kanyang bahay na pininturahan ng matingkad na bughaw na kung tawagin ngayon ay Majorelle Blue. 

Nabili ng pamosong fashion designer na si Yves Saint-Laurent at ng kanyang jowang si Pierre Berge ang bahay at garden noong 1980.


RIZA: "Bading na bading ang design!".  





Ang mga abo ni YSL ay ikinalat sa Jardin Majorelle nang mamatay siya noong 2008.

Sa matuling sabi, ginawa siyang pataba ng mga cactus kung ang pagbabatayan ay ang intindi ni Komrad Egay sa ganitong pamamaraan ng paglilibing.   







Alas-11 hanggang alas-12 ng tanghali sa EL BAHIA PALACE


Naghari ang mga Alawites sa Marrakesh noong 1669 hanggang sakupin ito ng mga Pranses noong 1912.

Ang Bahia Palace ay inumpisahang buuin noong 1859 ng Grand Vizier [Punong Ministro] ng Marrakesh mula sa ilang magkakatabing bahay, na itinuloy ng kanyang anak mula 1894 hanggang 1908.


Dahil marahil sa nabuo ito mula sa mga pinagdikitdikit na mga bahay at walang plano kaya napakarami nitong pintuan. 



AKO: "Puede ring kaya maraming pintuan ay para mailigaw ng Grand Vizier ang apat niyang asawa at 24 na kabit".






Alas-12 hanga ala-1 ng hapon sa SAADIAN TOMBS



Bago dumating ang mga Awalites ay ang mga Saadi muna ang bida sa Marrakesh.

Dahil bida sila ay may sarili silang sementaryo noon pang 1578 kung saan 60 miyembro ng kanilang pamilya at samutsaring mga alalay ang nakalibing.  



Ang sementeryo ay ibinaon sa limot ng panahon at muli lamang nahukay noong 1917.

At katulad ng mga lumang sementeryo, nagsisilbi na ngayong display ang mga puntod para sa mga mausisang mga turistang katulad namin.  



Pangwakas

'Yan ang Marakesh sa loob ng tatlong oras.

Sana ay naglaan kami ng panahon na makapasyal sa Atlas Mountain at Sahara Desert subalit nasa huli talaga palagi ang pagsisi.

Ang siste, siningil pa kami ng nagsilbi naming guide ng dagdag na 200 dirham para sa paghahatid sa amin sa airport.

Hindi daw kasama 'yun sa tour package.

Gusto naming lisanin ang Marrakesh na may maaliwalas na kalooban kaya binayaran na din namin siya.  

No comments: