Monday, May 23, 2016

ANG MGA SIGA NG TAAL

Wala naman talagang nakakatindig balahibong maiaalok ang Tagaytay.

Maliban siguro sa dito mapipintahang mabuti ang Taal Lake, at ang sangkatutak na mga restoran na nag-aalok ng iba't-ibang lasa at karanasan katulad ng Mekong Cuisine Restaurant.  



Kung pagkain ang pagbabatayan, madaming siga sa Tagaytay katulad ng Sonya's Garden, Antonio's, at Josephine's.

Pero kung lumang simbahan ang pag-uusapan, suyot ang Tagaytay sa ga-Europang Basilica de San Martin de Tours ng maliit ngunit astig na bayan ng Taal, pinakamalaking simbahang kolonyal ng Pilipinas, at maaaring gan'un din sa buong Asya.



At 'yan ay patikim pa lamang dahil pagbaba mula sa Basilika, paglampas ng Escuela Pia sa may Calle Gliceria Marella, ay isang hilera ng mga antigong bahay na naghahamon ng mano-mano sa mga katulad na bahay ng Calle Crisologo sa Vigan.

Astig ang Casa Villavicencio at ang kuwento ng may-ari nitong si Aling Eriang, tinaguriang "Lola [at Tagatustos] ng Rebolusyon", ang katabi nitong Casa Regalo de Boda na inihandog [bilang dote o bigay-kaya?] sa kanyang kasal, na isinaayos ni Martin Tinio, Jr. mula sa lahing tiga Nueva Ecija, ang kapitbahay nilang Casa Goco na nagluwal ng isang embahador, at ang pulang bahay ng mga Apacible sa may Palico-Balayan-Batangas Road na pagmamay-ari ng nakakatandang kapatid ni Kuya Canoy, ang unang pangulo ng La Solidaridad, pundador ng Nationalista Party, at unang kalihim ng ngayo'y Department of Agriculture.   


Sa bandang ibaba ng mga Apacible ay kung saan nanirahan ang pamosong si Marcela Agoncillo na siyang tumahi sa kaunaunahang opisyal na bandila ng Pilipinas, kabiyak ng kaunaunahang diplomat ng bansa, at ina ng limang anak na pawang tumandang mga dalaga.


Sa bandang ibaba pa ng bahay ng mga Agoncillo sa may Calle Vicente Noble ay ang dambana ng maliit ngunit tanyag na Nuestra Senora de Caysasay na inumpisahang itayo noong 1639 sa lugar kung saan siya nabingwit.



Lahat ng iyan sa kalsada ng mga siga ng Taal, mula sa dambana ng aleng nabingwit hanggang sa marilag na basilika sa ibabaw ng burol...


...at ang Batangas Lomi na natalisod habang naghahanap sa mga tindahan ng empanada, tapa, at longganisa... 


...at ang huling kuwadro ng makisig na maninimbahan bago siya pinatiklop ng isang matinding bigwas mula sa namamagang apdo.

No comments: