Saturday, July 18, 2015

ANG TULAY NI DANTE VARONA

Sa pinakamahabang tulay ng Pilipinas nagtatakbo si Vivian Velez upang pigilan ang Hari ng Stunt sa pagtalon sa pinakamakitid na kipot ng bansa.

"Dante, huwag!," ang sigaw ng Original Betamax Queen.

Lumingon si Dante, huminga ng malalim, 'tsaka tumalon.

Slow motion, tatlong frame, paulit-ulit.

Wasak ang damit niya nang lumutang siya, dumudugo ang ilong, pati yata tenga.

Pagkatapos n'un ay sumikat ng todo si Dante Varona at nagplano pang tumalon mula sa Golden Gate Bridge.

Pero hindi na 'yun natuloy.

Akala ko, hindi din ako matutuloy na kunan ng maayos ang San Juanico Bridge.

Hindi kasi puedeng huminto sa gitna ng tulay at hindi ako nakahandang lakarin ang 2.16 kilometrong haba nito sa katanghaliang tapat.

Nagkasya na lamang ako sa isang talikod pose.

Akala ko, 'yun na 'yun.


Hanggang sa maimbinta kaming sumakay ng bangka papunta sa isang resettlement site.






Hindi ko maipagmamalaking tumalon din mula sa sa San Juanico Bridge.

Pero maipagyayabang ko na isa ako sa iilang turista na dumaan sa ilalim nito...

No comments: