Monday, June 01, 2015

W.H.P.

Tama.

Ito ay dapat binabasa kasabay ng pag-awit ni Joey Ayala, o ni Rence Rapanot, ng "Walang Hanggang Paalam", o WHP.


Kung napindot mo na ang "Play" ay puede mo nang ituloy ang pagbabasa.

Kasi nga ay tungkol ito sa pamamaalam, isang linggong pagpapaalam...

...sa Social Watch-Philippines, o SWP, at kina Janet, Luz, at Derek na mga nakasama ko sa isang mahabang paglalakbay sa kagubutan ng mga MDGs, o SDGs pagkatapos ng 2015.

At kadalasan, pagkatapos ng pagpapaalam, ay kailangang uminom ng alak, lalo na kung ang mga pinagpaalaman ay para nang libag na dumikit sa balat, lalo na kung ang iinumin ay craft beer at libre.



Matagal ko ding nakasama sina Hazel at ang tropang Rice Watch and Action Network, o R1, at isa nga ako sa naging ninong ng kanyang pangalan, sa magarang bulwagan ng Discovery Suites, kaya lumaylay din ang aking puso nang ako ay magpaalam, bagamat hindi na kailangan pang uminom ng craft beer, at nagkasya na sa isang bote ng San Mig Lights.

Makipot at payak ang bago kong lamesa kung ihahambing sa pinagpaalaman kong pinagmulan, pero mas sariwa ang pagkakataon, mas nakakatindig balahibo ang mga hamon, at mas mataas ang sahod sa bago kong kinaroroonan, bagamat medyo naging magaspang ang pasok ng mapait na katotohanang ako ay pipila sa sasakyan pag-uwi tuwing Biyernes ng gabi, o Sabado ng madaling araw.



Mabuti na lang na hindi ako iniiwan ni AGT, bagamat madalas ko siyang pagpaalaman, at lumalambot ang gulong niya na hindi man lang nakakalabas ng bahay.



Iba ang naging hugis sa mapa ng Strava ng inakala kong mala bitukang manok na dinaanan, at kung minsan ay kailangang tumuloy sa paglalakbay kahit na wala nang dadaanan...

No comments: