Monday, April 06, 2015

SETTIMANA SANTA FOLLIA

Sa Mahal na Araw ay nanumpa akong mag-aayuno mula Huwebes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay, na hindi papansinin at titikim ni kahit katiting na hibla ng anumang hindi gulay at prutas, na magbibisikleta ako araw-araw mula Lunes hanggang Linggo para mabawasan ang pagkabigo sa naudlot na Baguio overnight

Pero biglang dumating ng Lunes ang Taong Bulagsak kaya na-obligang umatras sa Martes ang preparasyon para sa pag-aayuno para na din mapagbigyan siya, ang aming mga kaibigan, at ang masasarap na pulutan at malamig na beer sa Kanto Grill.


Kinabukasan sa Maynila, nanindigan akong ituloy ang naantalang preparasyon para sa pag-aayuno kahit sino pa ang humarang kaya nagkasya na ako sa pananghaliang pasta with seafood marinara bagamat oo, batid kong hindi gulay at prutas ang lamang dagat at oo, puede na itong palusutin kasi kamatis na may konting lamang dagat nga lang naman 'yung marinara.


Wala na munang karne mula noon, hanggang sa inihandang aroskaldo ni Kuya Oliver noong Huwebes Santos na hinawian ng sahog, hanggang sa fellowship dahil ang beer nga naman ay katas ng butil, hanggang sa ihain ang inihaw na tilapia at paksiw sa gatang hito na mga isdang tabang nga naman, hanggang sa dumating ang atang na crispy pata dahil sayang nga naman kung itatapon lang, hanggang makarating ako sa birthday celebration ni Kuya Ading at tumikim ng konting Emperador Lights na gawa nga naman sa katas ng prutas, hanggang sa i-taste test ang pulutang kinilaw at pritong bangus na mga lamang dagat nga naman.



Biyernes Santo ang dating ng biyenan ko mula Italya at hindi naman siguro masamang tumikim ng ilang piraso ng dinakdakan para naman mapagyaman ang ulam kong inihaw na talong at buro nang susunduin namin siya sa airport, at ang kumurot ng bulalo sa hapunan para pagyamanin ang kaawa-awang adobong galunggong nang pauwi na kami, at tikman ang inalok ng hipag kong deconstructed chicken adobo at sinigang na baka, at pagbigyan itinagay ng bilas kong Emperador Lights pagdating namin sa Bacal 2 dahil nakakahiya namang tumanggi.


Sabado Gloria ng gabi nang ayain ako ni Tito Oning sa kanyang siomai carinderia kung saan ko sinubok kung compatible nga ang siomai sa Emperador Lights.

Pero nagbisikleta ako mula Lunes hanggang Sabado, kahit itanong pa ninyo kay Kas Bong at Kuya Darwin, at siguro ganun na nga lang ulit sa susunod na Mahal na Araw para wala nang kawala at nagiging totoo ang sumpa...   

No comments: