Monday, February 02, 2015

SENTI

Ngayong araw, pagkatapos ng mahigit 21 taon, ay opisyal akong napabilang sa 12.4 milyong Pilipino na walang trabaho. 

Ang tawag ng kumpanya namin ay "retirement" pero ganun na din 'yun.

Merong trabaho sa Eastern Samar pero ayaw ko munang lumayo; madami ang nag-alok pero ayaw ko munang magtrabaho.

Kasi kailangan ko ng panahon, ng space, para magnilay.

Kailangan kong kalamayin ang kalooban ng aming mga partners na hindi kami nagsara, na nandito pa din kami, na mauuna silang magsasara bago kami.

Kailangan kong patunayan sa mga samahang kasama naming nangarap na hindi lamang suweldo ang dahilan kung bakit kami nandito.

Pero dahil wala na nga akong trabaho ay mas madami kaming panahon ni Ariel Guieb Tangilig na maglakbay sa mga lugar na dati'y ni hindi ko alam na nandun, katulad ng Buted sa Talugtug kung saan ako inabutan ng isa sa pinakamagandang umagang namalas ko sa Nueva Ecija.  


Kung tumuloy pa sana kami hanggang sa "malaking highway" at pinatulan ang daang kalabaw ay napuntahan na din sana namin ang Kalabasa Trail.

Pero hindi iisa ang araw.

Kaya bumalik kami, matapos magpaliwanag sa Aksiyon Klima na hindi kami nagsara, matapos muling makadaupan si Dudoboi at ang mga maligno ng Mother Ignacia. 

At sa Tibag, sa pagitan ng Nueva Ecija Ecija at Pangasinan, ay napatunayan naming meron ngang malaking highway sa gitna ng mga burol at parang!

At sa Lupao, ilang kilometro mula Umingan, ay may malaking dam na kasing tigang ng Atacama Desert!


Siyempre uuwi kami pagkatapos ng bawat pagbibisikleta, at bumabalik ako sa lumang upuan at mesa ng malaking kuwarto ng lumang bahay na pinalalamig ng lumang aircon na naging opisina ko ng mahabang panahon.


Wala naman kasi akong gagawin sa bahay matapos magluto ng almusal, maghugas ng plato, at magpakain ng mgs aso.

'Tsaka mas mabilis ang internet sa opisina kaya mas mabilis magdownload sa YouTube.

Kailangan ko ding ayusin ang paglalabas ng aking retirement benefit para meron naman akong baon at hindi manghingi sa asawa.

Higit sa lahat, kailangan kong magpanggap na meron pa din akong trabaho...

No comments: