Thursday, October 09, 2014

RIDING FOR THE WALKER

Pero bago 'yan ay nagpunta muna ako sa Baloc hindi para tuklasin ang misteryo ng bati ni Jowa tuwing araw ni San Geronimo kundi para makikain sa handa ni Kuya Jun.

'Yun lang tapos maikling meeting kina Kuya Manny at Kuya Arnel.

Hanggang ngayon ay hindi ko malaman kung sino ang naglatag ng Johnny Walker Gold Reserve at German beer [although natatandaan ko na may dalawang mamang payat at bilugin na nagdala ng kaldereta at pinapaitang kambing].
'

Kaya bilang paghingi ng despensa kay San Geronimo ay naglakbay kami ni Ariel Guieb Tangilig ng 50.5 kilometro nung sumunod na araw para tumanghod sa Simbahan ni Sto Domingo [korek, sa bayan ng Sto. Domingo].


Kinabukasan yung Climate Walk ni Yeb na sinabayan ko ng 19.3 kilometrong padyak sa ibabaw ni Ariel Guieb Tangilig dahil hindi ko na talaga kayang lumuwas papuntang Luneta. 

Naghain din ako ng Jollibee spaghetti para sa mga Diwata ng mga Mahilig Lumakad upang panatilihang ligtas ang pagpo-protesta ni Yeb sa mga kawalanghiyaang nagaganap sa UN climate change negotiations at sa Philippine Climate Change Commission na din siguro.



Kaya mula ng Oktubre 2, lahat ng biyahe namin ni Ariel Guieb Tangilig ay nakahandog sa lakad ni Yeb. 

May sumpaan nga kami na tatapatan namin ng pagbibisikleta ang 860 kilometrong lalakarin ni Yeb hanggang sa makarating siya sa Tacloban.

Sa Simbahan ni San Antonio [korek again, sa bayan ng San Antonio] kami nagawi ni Ariel Guieb Tangilig sa unang linggo ng Oktubre, matapos ang masaganang almusal na tuyo, itlog na pula, torta, miswa, at ang late nang dumating na pritong gurami. 

Nagtalo ang kalooban ko sa huling kalahati ng 71 kilometro naming tinakbo at hanggang ngayon ay hindi pa ako makapagdesisyon kung nakabuti o nakasama ang isinagawang pagpapaayos sa simbahan.


Daladala ko ang nagtutunggaling damdamin hanggang sa pabinyag ng second crop ni Bitoy kaya siguro naparami ang sandok ko ng menudo, litson, at kaldereta; kaya siguro napasobra ang nabuksang SMB pale pilsen; at maaaring kaya naipangutang ng bisikleta si Bulan kahit wala sa plano.


Kaya ratsada na naman kinabukasan pero hindi sa ibabaw ni Ariel Guieb Tangilig. 

Sa Katedral ni San Jose [korek na korek, nasa Lungsod ng San Jose siya] ay nabinyagan ang bisikleta ni Bulan sa pangalang Lupo Domingo Quilban. 


At para higit pa siyang maging banal ay humingi kami ng karagdagang basbas sa Simbahan ni Santiago ang mas Dakila sa bayan ng Lupao [walang santo na ang pangalan ay Lupao kaya iba ang pangalan ng simbahan].   


Sa Simbahan ni San Sebastian [oo, sa Lungsod ng Munoz na apelyidong Kastila at hindi pangalan ng santo] ay inialay namin ang unang 59.5 kilometrong tinakbo ni Lupo Domingo Quilban, at ang panalanging maluwalhating makarating si Yeb sa kanyang paroroonan.


May 710.2 kilometro pa kaming kailangang takbuhin para sa kanya...

No comments: