Siya 'yung madalas kong kausap sa labas, at heto ang ilan sa mga dialogue namin:
AKO: Naligaw ka yata?
PAENG: Masalimuot sa Maynila. Alam mo ba kung bakit 16 na beses pabalikbalik ang isang senador sa Beijing? Dating aide ni Macoy ang tatay niya, at sa China itinago nina Macoy ang mga nakulimbat nila. Ngayon, magkapartido ang senador at anak ni Macoy, at kunyari ay inaayos niya ang banggaan ng China at PH sa Panatag Shoal para hindi mahalata ang mga biyahe niya sa Beijing.
AKO: Alam mo bang sa SOD Bowling Lanes kami unang nag-date ni Ateng?
PAENG: May assassination plot sa presidente kaya sa Naga City siya nag-celebrate ng independence day dahil baka ma-snipe siya sa Luneta. Ibinawal na din ang pagdadala ng Barret Gun sa PH dahil dito. May kuneksiyon ito sa pagkakahuli nu'ng gun runner na Fil-Am senator ng California.
AKO: Alas-12 ng gabi na kami nakauwi at sa may kanto na kinatitirikan ngayon ng Jollibee kami nag-abang ng bus. Dalin Liner yata 'yung nasakyan namin.
PAENG: 'Yung kumpanyang nanalo para sa maintenance ng MRT ay dummy lang. Walang kakayanan kaya kinakahoy ang mga lumang bagon. Dahil luma ang replacement parts, madalas ang pagpalya ng mga tren. Hindi kasi nila akalaing kakanta 'yung Czech ambassador at huli na ang lahat ng ibaba nila sa $15 million ang hinihingi nilang tong-pats.
AKO: Du'n sa SOD 'yung eksena ng seduction ni Laurice Guillen kay Christopher De Leon sa "Tinimbang ka Ngunit Kulang" ni Lino Brocka.
PAENG: Worried ang mga kapatid ng presidente na makulong siya dahil sa DAP pagbaba niya sa puwesto. Kaya pumuposisyon sila sa mga liyamado. 'Yun kasing gustong patakbuhin ng kapatid nila ay walang kapanapanalo.
AKO: Gusto mo ng pansit? May natira pa mula sa magiging meeting namin sa Miyerkules. Korean noodles, kasing lamig ng ref, at may kasamang ilang hiwa ng century egg, manok, at baboy.
PAENG: Ang pinakatatagong sikreto ng gobiyerno at mga negosyante ay ang malaking deposito ng langis at natural gas malapit sa Malampaya, sa Sulu Archipelgao, at sa Liguasan Marsh. 'Yan ang premyo ng pakikipag-ayos sa MILF at nakataya sa 2016 election.
AKO: Sama kang mag-bike sa amin. Kaninang umaga, naka 91 kilometro kami. Dumalaw din kami sa dalawang templo ng mga anak ni Haring Solomon.
PAENG: Aralin ninyong mabuti ang poverty map ng NEDA. Minasahe ang data kaya kumonti ang bilang ng mga mahihirap na probinsiya. Sayang ang pagkakataon ng presidente. Siya pa naman ang tinitignan na may kakayanang iayos ang bansa. Pero mukhang wala siyang legacy na maiiwanan maliban sa pagpapakulong sa mga kalaban niya at pambu-bully sa Supreme Court.
AKO: Umuwi ka na nga. Kung ano-anong tsismis ang ikinikuwento mo. Baka magkatotoo pa 'yan e mahirap na...
No comments:
Post a Comment