Monday, May 27, 2013

LUTONG MACAU

Sa susunod, sa Macau dapat ang tutuluyan at papasyal na lang sa Hong Kong.

Bakit?

Mas mura ang pagkain dito katulad n'ung tig-HK$25 na noodles na inalmusal namin sa hotel daw ni Jacky Chan (Emperor Hotel, 'yung may naka-display na malaking autograph niya at mga bara daw ng ginto sa lobby).


Maraming bre-libs katulad ng free taste sa mga nakahilerang tindahan malapit kay Putol, libreng shuttle bus papunta sa mga casino hotels, at libreng merienda at inumin sa loob ng mga casino (basta may hawak ka na chips para kunyari e sugarol ka din).

Higit sa lahat, buo ang colonial architecture na iniwanan ng mga Portuguese.  

Ibig sabihin, madami akong masu-shoot na lumang simbahan.

Katulad ng kay St. Lawrence na unang itinayo noong 1560 at nakalista bilang isa sa mga World Heritage Site ng UNESCO kung saan pinagbawalan akong kuhanan ang kasalukuyang misa...


...kay St. Augustine na ang kasaysayan ay nag-umpisa noong 1591 at paborito yatang simbahan ng mga Pinoy na nangumbida sa amin sa isang pananghalian bilang pagdiriwang sa Pista ng Lucban...


...o ang katedral ng Macau na itinayo noong 1850 na ang katabing gusali na kamukha ng simbahan ni San Agustin sa Intramuros ang una kong napagkamalang katedral... 


...ang kay St. Dominic sa may Senado Square na inumpisahan ding itayo noong 1590 kung saan natisod ko ang guwardiyang fraternity brod ko sa CLSU at napasok ni Utol sa unang pagkakataon ang museum sa tabi nito...


...at ang sikat na si Putol --- ang mga guho ng simbahan ni St. Paul --- na siya yatang simbolo ng Macau (bukod sa mga casino) kung saan inabutan kami ng ulan habang iniinom ang baon na Budweiser ni Utol. 


Ito ang Lutong Macau para sa akin. 

Hindi ang gusali ng mga sugarol at iba pang bisyo sa kabilang isla ng Taipa.


No comments:

Post a Comment