Thursday, November 08, 2012

BOLJOON (bol-ho-on)

Ang pasya ko sa bandang huli ay sumakay na lamang ng bus sa South Terminal kaysa mag-arkila ng sasakyan

Kaya't tanging nagawa ko ay magsisi at tumitig ng malagkit sa mga astig na simbahan ng Talisay, Minglanilla, Naga, at San Fernando na mabilisang tinutuhog ng Ceres Bus habang nakikipag-away sina Vic Sotto at Daiana Menezes sa mga magagandang aswang.

Kagyat ang naging desisyon na dadaanan namin pag-uwi ang simbahan ni Santa Catalina de Alejandria sa Carcar at ni San Miguel Arkanghel sa Argao.

Makalipas ang halos 3 oras ay bahagyang bumagal ang bus.

Papaakyat ito sa pakiwalkiwal na kalsadang idinikit sa isang matarik na gulod na kinakamot ng maaamong alon ng Lagusan ng Bohol.

Isang huling liko pa.

At tumambad ang Simbahan ni Patrocino de Maria sa Boljoon.


Kagyat kong sinayawan ang simabahan pagbaba ng bus sa pagtatangkang hulihin ang pinakamagandang mukha nito.


Walang patid ang pikit ng kamera.


Walang humpay din ang sindi ng sigarilyo nina Ka Maning at Ka Tolits sa preskong parke na inihiwalay sa bakuran ng simbahan ng aspaltadong kalsada.

Marahil ay natutuwa silang mamalas ang ritwal ng aking paninimbahan.

O naiinis dahil lampas pananghalian na at ang tanging laman ng tiyan ay ang sitsaron at ampao na binili sa bus.

Humupa din ang sayaw at pitik.

Hindi dumating ang kampanero upang pagbuksan sana ang nakakandadong lagusan ng blockhouse na naging kampanaryo.

Hinimas ng tinola at pritong isda sa isang mumurahing karinderia ang sikmurang biglang nakaramdam ng pagkagutom.

Sa biyahe pabalik, ako ay muling tumitig na lamang sa makulay na simbahan ng Alcoy at matayog na kampanaryo ng Dalaguete.

Pero nagmano kami kay Santa Catalina de Alejandria sa Argao, nakiusap sa naglalampasong mama na kuhanan ang altar ng simbahan, at nagmerienda ng torta sa puwesto ni Aling Chitang.


Muli, nagkasya na lamang ako sa pagtitig sa malapad na simbahan ng Sibonga.

Pero sumaludo kami kay San Miguel Arkanghel sa Carcar, inakyat ang simbahan sa ibabaw ng burol, at bumili ng sitsaron at ampao sa puwesto ni Mat-Mat.


Bilang premyo, dinala ko sina Ka Tolits at Ka Maning sa kainan ni Ebelle sa tabi ng SM kung saan kami namapak ng inihaw na tiyan, at tinolang ulo at buntot ng tuna.



TALABABA: Ang simbahan ng Boljoon ay inumpisahang itayo noong 1783 at siyang pinakamatanda at natitirang simbahan na bato ng Cebu. Ang simbahan ay isa sa 26 na itinalagang National Heritage Site ng National Commission on Culture and Arts, at kinilala bilang isang National Historical Landmark ng National Historical Institute at National Cultural Treasure ng National Museum.    

No comments: