Monday, June 06, 2016

BURYONG

Mula sa dialogue na "Ay, madilim na pala!" ay naging "Matulog na tayo para kinabukasan na ulit" ang dulo ng maghapon.

Alas nueve kinse ng umaga ang daan ng Baliwag pa-Cabanatuan na hindi tayuan.


Nakasinop na ang mga lumang resibo at naipong dokumento kasama ng mga souvenir cups, mga gamit na tseke, sari-saring alaala ng square and compass, at mga ilaw ng bisikleta.


Naikamada na din at pasimpleng naitapon ang mga pinaglumaang kung ano-ano kasama ang mga diyaryo at mga naipong dokumento na wala naman talagang silbi.


Pero mahaba pa din ang maghapon kaya sa pagitan ng pag-aabang ko ng Baliwag at pagdadagdag ng mga isisinop at itatapon ay naaalala ko ang mga araw bago nasalang sa tanggalan ng apdo. 



Ikalawang linggo, napagdiskitahan kong utusan si Bulan at Balong na ayusin ang mga naipon nilang litrato, at pagkatapos ay muling nag-abang sa daraang Baliwag, nagsinop, at nagtapon.

Biyernes, nakabili na ako ng Pansit Batil Patong at pandesal para sa mga magpupulong.

Sabado, unang biyaheng medyo malayo-layo sa bahay para sa unang tusok ng Diabetes Awareness Program nina Ateng na sinundan ng patakas na pagdalo sa picnic ng mga volunteer ni Leni Robredo. 



Linggo, naging photographer ako sa inagurasyon nina Oki Dok at tumikim ng isang pirasong lechon.


Hindi pa ako masyadong buo pero palagay ko ay puede na.

Tama na ang buryong, balik na sa dating gawi. 

No comments:

Post a Comment