Monday, May 30, 2016

ANG APDO NI BERTONG LANGIS

Ang Apdo

dos mil dose ng Agosto nang malaglag ang apdong isinampay ng matadero sa sanga ng bayabas, dumulas sa tumigas na kanal ng mga mantikang kumatas mula sa malutong na balat ng crispy pata, nanundo ng suero sa botikang malapit sa pagamutan ng mga walang magawa.


Ang Bato

bumara kaya namaga ang apdo, mga hindi natunaw na taba, mapanghi at namumula, ayon kay Dr, Cayco na eksperto sa bato, na kagyat nagpagayak ng solusyong opera, isang gabing nagtago ang mga duktor sa pagamutan ng mga walang magawa, at ang mga multo ng undas ay nangawala, bagamat naisalba ang isang daang libong nakatakdang lumipad, n'ung unang araw ng Nobiyembre dos mil trese.


Ang Bato sa Apdo

nauntog sa lambanog na ipinuslit sa Aurora, hinipan ng mga inihaw na karne at salmon sa Maynila, nalunod sa katas ng litsong baboy at baka sa Bayombong, nahilo sa pagkakababad sa malamig na serbesa sa Nueva Ecija, hanggang sa mahinog sa kinalburong init ng mga litid ng kuko ng crispy pata sa Tagaytay, at muling malaglag at madulas sa tumigas na sebo ng lahat na ipinagbawal ngunit ginawa.


Walang Apdo!

alas sais y media ng ika-23 ng Mayo dos mil desisais, walong araw pagkayaring namnamin ang mga siomai at hopia ng Binondo, limang araw matapos ngatngatin ang kuko ng crispy pata sa Tagaytay, dalawang araw pagkalipas ng handaan para sa unang papulong at kaarawan ng Reyna, at isang araw mula ng magbarikan sa tulihan...


...kinapon ang apdo at minina ang mga bato nito, sa halagang mahigit isang daang libo at direksiyon ni Doc Dindo, pagkaraan ang apat na taon, at tinapos ang kuwento ng apdo ni Berto.

No comments:

Post a Comment