Monday, April 04, 2016

APRIL FOOL

Bigla,

kumabyos ang mga kalso at sumadsad paurong ang nangakong hindi na maglululong, nadulas sa libreng beer na ipinaminindal sa mga panauhing de kurbata, natapilok sa litsong baboy at tupa na inihandog kay Kuya Val, bumigay sa pulutang inihaw na liempo para sa pagdalaw ni Kuya Cris, at tuluyang tinangay ng mabilis na pagbati at pamamaalam ni Bakulaw na papauwi sa Macau.



'Yan na marahil ang masamang epekto ng iniwanan sa SM City at nagpalaboylaboy sa Trinoma, ng nakatunganga sa Centris at ang panghimagas na halohalo sa ulam na sisig, at ng pagtawid sa tulay na bumabagtas sa rumaragasang ilog ng mga kalsada at sasakyan.


Maari,

sanhi din ito ng pagdiriwang ng mga nakatapos ng isang yugto sa eskuwela, katulad ni Balong na nakapag-uwi naman ng isang gintong medalya, o kaya ang crush niya na humakot ng sangkaterbang pagkilala, o ng nabiting bakasyon ni Bulan na nasa Iloilo na, at ng marami pang ibang dahilan na hindi na maalala at mawari.




Ang mga panauhing de kurbata, ang pagkakalukluk ni Kuya Val, ang pagdalaw ni Kuya Cris, ang pagdating ng bakulaw, ang pagtatapos ni Balong sa elementarya at pinakamabilis niyang pagbibisikleta...


Alin man sa mga ito ang maaaring nagtanggal sa kalso ng pagtitimpi na naganap sa buntot ng huling linggo ng Marso at unang mga araw ng Abril kung saan napaglaruan ang mga tatangatanga.

At ngayon ngang buwan ng Abril, may isang luko-luko na kumikirot ang apdo at nagkakandirit sa Panay Avenue.  

No comments:

Post a Comment