Monday, April 11, 2016

ANG PAGPAPARANGAL SA REYNA NG MGA KULITIS

Gawa sa mga pinong hibla ng bughaw na sapiro ang kanyang pang-umagang terno, dagat at langit, minina sa kaibuturan ng Divisoria, sinamahan ng ipinuslit na ilang pirasong beryl, apoy at dugo, para sa panghapong terno, pambihis sa dugong hindi na nga bughaw ay namumutla pang pula.


Ang kanyang korona ay pinanday ng mga artisano ng Meycauayan, tadtad ng mga brilyanteng nabibili kada kilo at pinalamutian ng mga binasag na esmeralda at matrine, bagay na bagay sa kanyang tig-sampung libong sutlang kapa na singtanda ng panganay ng umaga.


At ang kanyang espada, simbolo ng mga kabalyero at kagalantihan, ng ranggo at kapangyarihan ng mga kadete, baston ng mga alagad ng tetano bilang paalala sa mga sutil kung ano ang mangyayari sa kanila kung sila ay magalusan nito.    


Ako ang abay ng Reyna ng mga Kulitis, tagabitbit ng kanyang korona at espada, tagalista ng kanyang mga atas, kutsero ng kanyang karwahe, at tagasalo sa mga palasong ipupukol sa kanya. 


Sa akin din niya ilalagak ang mga handog na palumpon ng mga bulaklak lalo na ang mga puting rosas na hindi natanggalan ng tinik.


Ako ang Punong Tanod ng mga Kabalyero ng Kahariaan ng Kulitis, silang mga Mandirigma ng Bughaw na Brigada at mga Magigiting na Kantero ng Lohiya 373. 


Kinabukasan pagkatapos ng Seremonya ng Pagpaparangal, ipinasyal ng Abay ang Prinsipe ng mga Kulitis. Sumakay sila sa kanilang mga kabayo at tinahak ang tagong kalsada, hinabol ng mga aso, hanggang sa marating nila kung saan nililok si Al Dub sa isang pinitak ng palay.

Mabuhay ang Reyna ng mga Kulitis!


AMARANTH: cultivated as leaf vegetable, pseudo-cereals, and ornamental plants (Wikipedia)

SCIENTIFIC NAME: Amaranthus spinosis L.

COMMON NAME: kulitis

No comments:

Post a Comment