Monday, July 06, 2015

ANG ALAMAT NG BUGHAW NA KANIN

Noong unang panahon ay kasing laki ng pandesal ng Pugon de Manila ang butil ng bigas sa Davao, hugis puso, at kasing sarap ng humbang pata ng baboy.

Nang lumaon ay lumiit ang butil, naghugis luha, at naging lasang NFA bilang pagtatampo sa lumalalang kapusukan ng mababangis na panahon sa Mindanao.

At nung nakaraang linggo ay nalagas ang ilang talulot ng forget-me-not mula sa korona ng mga hindi pa naililibing, bumagtas sa sinaing ng mga nagsisipagbalikan sa bukid, na siyang iginayak sa hapunan ng mga naglalako ng mga panaginip.

Pumanaw na ang magiting na mandirigma...


Kaya't nagluksa at umiyak ang langit, naglasang vetsin ang tinolang tulingan at pritong manok sa Digos, habang naggigitgitan ang mga asul na traysikel sa GenSan.

Ang kapanglawan ay sinubukang ituwid ng mga anak ni Haring Solomon ngunit sila'y dinaig ng matapang na amoy ng pormalin na nagtangka pang panisin ang mga inialay na pansit sa mga nagluluksa at makikikain.



Mula doon, sa bukid sa ibabaw ng burol na pinagpala ng mga karpintero, sa 40 kph speed limit ng Polomolok, ay sumirit ang panawagan ng panalangin na sinalubong ng mga alay na saging at kamote sa Kabacan, ng paksiw na bangus at lumpiyang gulay sa Midsayap, ng mainit na tsokolate sa Pinagcawayan.



Organic ba ang asul na kanin? O itinubog sa jobos ng pagpapanggap?

Matatagpos ba nito ang balakid ng mga paghamon? Ang mga mga pandaraya ng mga pinagpala sa mga walang-wala? 

Mahihigitan kaya niya ang mga pantas ng siyensiya, at maituwid ang nagkabuhol-buhol na kalsada ng BBL?

Maaaring oo, maaaring hindi.

Ang mahalaga ay may mga magpapatuloy sa alamat ng asul na kanin, magkulay dilaw man ito o pula o itim. O berde katulad ng mabango, bagong ani, bangong sangag, at bagong bayo na pinipig...

No comments:

Post a Comment