Monday, April 27, 2015

BICOL EXPRESS

Hindi ko na ipinaalam kay Ka Celso na mas masarap ang itlog maalat ng tiga Maybubon kesa ng kanya na inilaga pa sa tanglad at banglay bagamat matutuwa siyang tiyak na nagustuhan ni Ate Alice ang version niya pati na ang dala kong pinapaitang kambing mula sa kusina ng ex-jowa ni Rico's SaGoat Kita, kahit si ComYeb na vegetarian at sina Jas at Niner na hindi sanay mag-ulam ng kambing, puwera kami ni Kas Bong na sawa na sa ganyan at mas sabik sa halabos na hipon at alimango na inihain ni Usec Fred.

Nakadami ako ng panghimagas na meringue pero kanino kaya napunta 'yung naka-display na Toblerone?


Kinabukasan, sarado pa ang paborito naming bulalohan sa Sto. Tomas kaya sa San Pablo na kami nakapag-almusal ng bulalo pa din naman pero may kasamang adobong pusit at laing; samantala, sinigang na kakapiranggot na hipon at malasuge, ensaladang pako, at pinaisan naman ang pananghalian namin sa over rated na Kainan ni Lolo Ompo sa Calauag.

Wala kaming inabutang seksing water boarder sa Camarines Sur Water Center pero natikman naman namin ang sikat na toasted siopao ng mga Bikolano.


Mabilis ang mga pangyayari sa ANCOM 2015, kasing bilis ng pagpasada sa iba't-ibang putahe ng niluto sa gata --- konting Bicol Express, konting isda na adobado sa gata, konting pinangat, at maraming tubig dahil napakainit; kasing bilis ng taste test sa ipinagmamalaki ni Kuya Manny na chocolate cake ng Hotel Venezia; at kasing bilis ng pagkaubos ng San Mig Lights habang nag-aantay sa isang natatanging pagkilala mula sa aming Pinakamarangal na Guro.





Sa iktalong araw ay muling rumatsada ang Bicol Express ng mga Novo Ecijano sa mga guho ng Simbahan ng Cagsawa at mailap na tugatog ng Bulkang Mayon, sa inulan na anino ng Ligon Hill at puede-na-ring hapag kainan ng Airport Buffet, at sa bulwagan ng The Concourse na lumuha ng alak sa labis na sama ng loob dahil sa pagkatalo ng aming kandidato. 

Ang importante ay ang kumpirmasyon na meron nga at tunay na maanghang ang sili flavored ice cream.


Hindi maiiwasang dumaan sa mga simbahan kung kasama ako lalo na't hindi man lang kami nakatikim ng kahit isang hibla ng Pansit Lucban, Pansit Habhab, Kinalas, at Pansit Bato.

Kaya pag-uwi ay unang nagbigay pugay ang aming Bicol Express sa Simbahan ni Nuestra Senora de la Porteria sa Daraga, sa gabay ng navigator ni Kuya James na sumblay ng konti papunta sa Simbahan ni San Juan Bautista sa Camalig, at sumablay ng malaki sa paghahanap sa Dambana ni Nuestra Senora de Penfrancia sa Naga.




Rumatsada ang aming Bicol Express pauwi sa Nueva Ecija, lalo na pagkatapos ang masaganang pananghalian ng inihaw na pusit, prito at sinigang na isda, at sinaing sa Lita's Seafood Restaurant sa Atimonan; at nang biglang tubuan ng kung ano-ano ang balat ni Kuya Fitz at hanapin ng aking ebak ang ipinagmamalaki pa ulit ni Kuya Manny na 5-star kubeta sa Lucena.

Sa sobrang bilis ay hindi na nakayanan ng preno at kabig ni Kuya James ang batang biglang sumulpot sa kalsada ng Alaminos kaya inabot pa kami ng walong oras sa San Pablo City Medical Center kasama ang mga magigiting na kapatid ng Malinaw Lodge 25 na kaagad umalalay sa amin. 

No comments:

Post a Comment