Thursday, July 31, 2014

SI CARLO GUIEB, ANG PAGBABALIK NI AMPALAYO, AT BAKIT MALUNGKOT ANG PANSIT CANTON SA KAPITAN PEPE

Lumaki akong sina Lupo Alaba at Ariel Marana ang mga sikat na siklista sa aming bayan, 'tsaka si Felicisimo Tapec na din na may kaunaunahang racer bike sa aming baryo at madalas naming makasamang nag-aabang sa pagdaan ng Marlboro Tour of Luzon sa may ahunan sa bungad ng Bambang, laging may dalang yelo na iaabot daw niya sa mga kilala niyang siklista, hanggang sa dumating si Carlo Guieb na sumikat dahil sa bangis niya sa mga akyatan at masapawan si Lupo Alaba na hindi man lang yata nanalo ng lap, at si Ariel Marana na magkakampeon na sana nang maaksidente sa Cagayan, at siyang naging kaunaunahang siklistang magkampeon ng dalawang sunod sa Le Tour de Filipinas ['yung karera na nag-uumpisa sa Mindanao at nagtatapos sa Maynila], at maging pangatlong kampeon mula sa aking lalawigan ng Nueva Vizcaya pagkatapos ni Domingo Quilban at sinundan ni Ryan Tanguilig, na siyang mga naging lubid na humila sa aking pagtatangkang umahon sa dalawang matatarik na akyatin ng aming pagpapadyak mula Pantabangan patungong Alfonso Castenda sa aking lalawigang sinilangan.



Pagkatapos n'un at ng masaganang almusal ng pinikpikang manok ay muling nabuhay si Ampalayo, numero 6 ng Ginebra San Miguel at parating nakabangko sa mga liga ng Almaguer na sumikat ng kaunti sa mga half court games sa kampo ng GHQ Battalion sa Tiaong, Quezon at sa plaza-plazahan ng Sta. Ana, Manila; na siya ring nagpanggap na varsity player ng College of Education sa CLSU at tunay na naging manager ng back-to-back champion ng Team NCI sa Night League, binansagang gayon ng mga tiga-Purok 5 sa Almaguer marahil dahil kahawig niya si Ampalayo (?) o kasing husay niya ito (??), lumaro ng bahagya laban sa mga tiga Pantabangan-Bonari at natawagan ng 3-second violation, hindi nakapag-shoot ng 2 free throw, at nagmintis ng isang 3-point shot.


Masarap ang inahaing pananghaliang pakbet, pritong tilapia, at sinampalukang reject na inahin ng mga panabong pagkatapos magbola, baon hanggang kinagabihan sa Cabanatuan kung saan nagbigay ang mga kapatid ng kanilang huling parangal para kay Kuya Bobby, at makumbidang doon na din maghapunan.


Sa gitna ng kalungkutan ng huling gabi ng lamay ay nalumpo ang lasa ng inihaing chicken wings at adobong pork ribs pero mas higit na matamlay ang pansit canton na ipinangsapin sa mga ito.

Kaya hindi ko na din kinunan ng pityur...

PHOTO CREDIT: Mga kuha ni Bong Soriano 'yung mamang naka-bike at nagba-basketball.

No comments:

Post a Comment