Thursday, September 19, 2013

NAMPICUAN

Napityuran ko na ang mga natitirang lumang simbahan ng Nueva Ecija sa Gapan, Penaranda, at San Antonio.

Ang mga pinakamasasarap na pansit nito ay natikman ko sa palengke ng Guimba, sa "Thelma's" ng Munoz, "Donna's" ng San Jose, at "Joy-Ling's" ng Cuyapo.

Paborito ko ang prito at sinigang na tilapia ng "Eva's Eatery" sa Carranglan, ang inihaw na hito at prok chop ng "Lucy's Ihaw-Ihaw" sa Talavera, at litsong baboy ng "Ponceng's Lechon" sa Cabanatuan.

May mga naging romantic episodes ako sa Aliaga at Llanera.

Natunton ko ang barangay ng Entablado sa Cabiao, ang bahay ng nagtatagong binatang mayor sa Jaen, at ang ABC president ng probinsiya sa San Isiro sa unang kampanyahan para sa party list.

Nainom ako ng beer na ibinabad sa isang batyang yelo sa Pantabangan, ng mga tira-tirang alak sa Rizal, Fundador at Tres Cepas sa Lupao, Manila Beer sa San Leonardo, at madaming San Mig Lights sa Sta. Rosa.

Nagsisimba ako sa Sto. Domingo tuwing unang Sabado ng buwan.

Madalas kong madaanan ang Natividad papuntang Palayan, ang Laur at Gabaldon papuntang Dingalan, ang Bongabon papuntang Baler, ang Zaragosa papuntang Maynila.

Sumama ako sa kampanya laban sa National Stock Farm sa General Tino, nanguna sa climate change adaptation sa Licab, dumalo sa pasinaya ng mga Agrarian Reform Community sa Quezon at Talugtug.

Pero hindi ko pa nararating ang NAMPICUAN.

Hindi pa sa loob ng 24 na taong pamamalagi ko sa Nueva Ecija.

Hanggang sa ayain ako sa isang ocular survey nina Sister Chinchin at Bishop Mallari.

Nagdala ako ng kamera pero sa Pantabangan ko na natuklasan na hindi ko naikabit ang memory card at baterya kaya sa Samsung S4 ko na lang kinunan ang mga lumang kampana ng simbahan bago kami pinagmerienda ni Padre ng goto, sandwich, at debote.


Pagbalik ng San Jose ay ipinaghain kami ni Bishop ng masaganang pananghalian: nilantakan ko ang igado, pumiraso ng inihaw na bangus, tinikman ang sinigang na hipon at ginisang upo.

Tumuloy kami sa Gratia Plena, nagmerienda ulit ng bibingkang kanin at sapin-sapin ng "San Vicente's", 'tsaka passion fruit juice na minatamisan ng honey.

Mahaba ang biyahe papuntang Nampicuan.

Nakatulog ako, nagigising paminsanminsan kapag kinakausap ni Sister Chinchin na susundan ng pagpapatutuloy sa Level 35 ng Candy Crush hanggang sa maubusan ako ng lives.

Sa Nampicuan, ipinakita ni Padre ang bahagi ng lote ng eskuwelahan na kinuha ng munisipyo para gawing garahe.

Ikinuwento din niya na wala pang titulo ang mga lupa sa Nampicuan na dating bahagi ng hacienda ng pamilya Gallego at Alzate.

Tapos ay dinala niya kami sa kumbento at muling pinagmerienda; maruya at camote cue [lemon grass tea ang panulak] naman na siyang pinakamasarap kung natikman buong Nueva Ecija.


Dumiretso kami sa lumang bahay ng mga Alzate na pag-aari na ng simbahan ngayon --- tinuluyan daw ito ni Manuel L. Quezon noon.

Itinuro ng bantay ang short circuit na muntik na nitong ikasunod, at ang butas sa ilalim ng mga sementong bangko na pinagtaguan umano ng mga Alzate ng mga kayamanan nila.

Pag-uwi ay nadaanan namin ang pansiteriang "Joy-Ling's" sa Cuyapo;'dun kami nagmerienda ng mga fraternity brod ko ng pansit miki noong nakaraang linggo.


Inabutan kami ng Angelus sa daan kaya nag-novena sina Sister at Bishop.

Tumigil ako ng paglaro sa Candy Crush at nagtulugtulugan para hindi mahalatang hindi ako marunong magdasal.

Ang problema, paano kaya ako papapara pagdaan sa bahay namin sa Bacal 2? 

No comments:

Post a Comment