Friday, April 12, 2013

THE GRADUATE / Ang Kuwento ng Pagtatapos ni Aling Nene

Dedma lang n'ung nasa kolehiyo pa kami.

Sa Filipino subjects lang naman kasi kami nagkikita kung saan madalas niyang kasama at katsikihan si C na may crush naman kay A na pinabantayan sa kanya kaya napasok siya sa kapatirang USP; sa kanilang dalawa ang mga pagkakautang ko ng madaming piraso ng iba't-ibang sukat ng papel (1/4, 1/2, buo) mula sa lahat ng naging quiz sa klase dahil buhaghag lang na toothbrush at baling ball pen na Reynolds ang tangi kong naibubulsa sa kupas at butas-butas na maong.

Nagkapansinan n'ung nasa graduate school na kami.

Heto kasing si E na nagbidang may crush sa akin si J sa madalas naming inuman na pabiro ko namang sinagot na si BL ang crush ko na mukhang nakarating yata sa kanya dahil biglang naging visible sa IGS dorm hanggang nagkaayaang mag-bowling sa San Jose na sinundan ng isang gabing tantiyahaan minsang makitulog siya kay O na sister ko sa kapatirang UI na nagpaubaya naman sa aming dalawa; natapos ang kabanata sa katagang "try natin" matapos ko siyang basahan ng tula at habang inihahatid ko sa sakayan ng dyip sa main gate.


Du'n napako ang MS niya.

Dahil pagka-graduate ko ng Abril noong 1997 ay nakasal kami ng Disyembre ng taon ding 'yun na itinuloy niya hanggang thesis matapos maipagbunti si Bulan kung saan naudlot sa pagdating ni Balong at nakalimutan hanggang sa mabuklat niya ang mga lumang dokumento noong Mayo ng 2013 at nalaman sa kumare naming dekano na puede pang ituloy dahil nakapag-file naman pala siya ng leave of absence sa kundisyong mag-eenrol siya ng isang semestreng refresher course.


Grumadweyt na nga.

Kako, hindi ko nga dinaluhan ang graduation ball at baccalaureate at tea party noong kolehiyo tayo pati na ang graduation ko sa master's degree dahil ayokong nakikinig ng madaming salita kaya mga bata na lang isama mo na siya ngang nangyari maliban sa tea party na kinatamaran na ding daluhan dahil madami namang maiiinom na tsaa sa bahay bagamat sumama na din akong nagmartsa sa graduation kinabukasan dahil may bagong bili akong asul na polo barong; matapos maisuot ang hood niya at maiabot ang matagal na minithing diploma na mas pangit yata ang disenyo ngayon kaysa noong sa amin ay tumakas na kami pauwi... 


TALABABA: Ang mga larawan mula sa Graduation Ball (pinakataas), Baccalaureate (gitna), at Graduation Procession (pinakababa) ay pawang mga kuha ng aming panganay na si Bulan kasama ang bunso naming si Balong.

No comments:

Post a Comment