Friday, June 19, 2009

ISANG TULANG NAUNANG PINAMAGATANG "THE LORDS OF THE PEE"

Malinamnam na ang tinimplang proposal
nagmamantika
sa isang kilong utak
at limang gabing puyat.

Mamaya, alas diyes y media
sa internet café na amoy medyas
ito'y tutungo sa mga panginoon at pinagpala
huhubog ng himala

nawa'y maging pera ang mga dahon at balat ng sigarilyo
katulad ng amoy ng limandaan at ‘sanlibong ninakaw sa bangko
habang tinatiyani ang mga nakatagong sinsilyo
pambayad sa kuryente’t telepono.

Mamaya, ipamamalita ng hiningang pasmado
sa mga nag-aabang sa munisipyo, sa kapitolyo,
sa mga opisina ng NGO.
Tuloy ang proyekto! Nakapulot kami ng pondo!

Ganito kaming gumawa ng milagro
habang kapulong ang mga nagkaonsehang PO
nakikisindi sa mga kampanyador na walang panigarilyo
at kinikikilan ng mga COng walang pangkrudo.

Ang matira, kasama ang pinagputahan noong isang linggo,
ay ipantutubos sa Red Horse at Emperador
bendetang pantaboy sa mga maligno
nang may mapagpulungan sa palasyo’t maipagmalaki sa publiko.

Kami ang mga putok sa buho
mga kailangang pumasok ng Biyernes at Sabado
mga kinalimutan at isinuga sa impiyerno
nakikidigma kahit na pasko, Linggo, at walang pondo

nagtatampo, naninibugho, malapit nang maghuramentado.

No comments:

Post a Comment