Friday, August 31, 2007

EkspoSining

“sa huling linggo ng Agosto 2007,
sa lobby ng CLSU college of arts and sciences,
sa pangunguna ng communicators for development…”







Sinasabing ang pinakamakapangyarihang lunduyan ng pagpapahayag ay ang sining-biswal, lalo na sa larangan ng pagguhit, pagpinta at potograpiya. Naipapaabot nito ang kaisipan at damdamin ng may gawa, na siya namang aantig sa pagpapahalaga at emosyon ng mga makamamalas nito. Nagsisilbi rin itong bukas na bintana ng mga natatanging kaganapan na kinalinga ng kasaysayan, pinayayabong ng kasalukuyan at hahamon sa kinabukasan.



Napaiigting din ng pag-aalala sa nakaraan, pagpapahalaga sa kasalukuyan at pagtanaw sa kinabukasan an ating pagka-Pilipino. At sa pamamagitan ng pagguhit, pagpinta at potograpiya, nagkakaroon ng linaw ang hugis at anyo ng ating kultura, kalakip ang ating mga paniniwala at nakakahiligan, kaya nararapat lamang na pagyamanin ang mga ito…


JUN LISONDRA
. Si Jun ay isang digital photography enthusiast, manunulat, makata, nobelista, graphic designer, nahuhumaling sa paghahalaman, isang software engineer, at web application developer.
Siyam na taon siyang nagtrabaho sa dalawang magkahiwalay na NGO. Nitong Mayo 2007 ay nagresign siya upang i-pursue ang kanyang freelance career sa outsourcing. Katulad nila Bill Gates, Quentin Tarantino at Tom Hanks, tinalikuran ni Jun ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo bago pa man siya sumampa sa kanyang 3rd year.

Ayaw niya ng usok ng sigarilyo, masisikip na lugar, ang square root ng number 5829, nuclear power plants, mga grim and determined, PhD degree holders, si Wendy at Bruce ng PBB, karne ng baboy, at Kapuso channel. Addict siya sa Naruto, Grey’s Anatomy at Justice League Unlimited.




BEN DOMINGO JR. Higit na kilala sa larangan ng pagsulat at pagbigkas, Si Tatay Ben ay mahilig din sa potograpiya lalo na ng mga paksang may kaugnayan sa kalikasan at kapaligiran. Natuklasan at napagyaman niya ang kahiligang ito sa kanyang madalas na paglilibot sa iba’t-ibang lugar hindi lamang sa ating kapuluan at mga dayuhang lupain.

Nahimbing ng may ilang dekada ang hilig sa potograpiya ni Tatay Ben ngunit muling nagising ito ng magbalik siya sa isa rin niyang kinahihiligan --- ang pag-akyat ng mga kabundukan --- na tinampukan ng ikatlo niyang matagumpay na pagyapak sa ituktok ng Bundok Pulag na siyang pinakamataas na bahagi ng isla ng Luzon nitong nakaraang Pebrero. Sa Kanyang pag-akyat, nakakatha din siya ng ilang tula, kabilang ang “Mutya ng Kordilyera”, habang ang kanyang pangkat --- ang Blue Hearts Mountaineers --- ay koletibong idinodokumento ang kariktan ng kalikasan sa pamamagitan ng kamera.

Ipinanganak sa Lungsod ng Cabanatuan, si Tatay Ben ay kasalukuyang guro ng English at Development Communication sa CLSU College of Arts and Sciences.




ELITO CIRCA. Lalong kilala bilang Amang Pintor, si Tolits ay tubong Pantabangan kung saan umusbong ang kanyang hilig sa pagguhit at pagpinta. Ang mga unang umakit sa kanyang makasining na pansin ay ang matayog na bundok ng Mingan na nakatanod sa gawing silangan ng kanilang bayan, at ang simboryo ng kanilang lumang simbahan na ngayon ay nasa pusod na ng lawa pagkatapos na palubugin ang kanilang pamayanan ng konstruksiyon ng Pantabangan Dam noong dekada 70. Ginamit niya ang bundok at simbahan bilang inspirasyon sa kanyang pagbuo ng ilang serye ng mga obra na naitanghal na hindi lamang sa Pantabangan kundi sa iba’t-iba pang lalawigan ng Pilipinas.

Bagamat wala siyang pormal na pagsasanay sa larangang-sining na ito, ang kanyang kakaibang pamamaraan ay kinikilala na ngayon sa pagiging katangi-tangi: ang paggamit ng kanyang sariling buhok at dugo sa pagpapalutang ng mga imahe sa kanyang mga likha.
Dahil sa kanyang mga gawaing nagtatampok sa kasaysayan at kultura ng Pantabangan, napili siya ng Civil Service Commission noong 1998 para tumanggap ng gawad na “Public Service Through Public Trust” award. Sa kasalukyan, siya ay isang systems analyst sa Bureau of Post-harvest Research and Extension (BPRE).



SHUBERT CIENCIA. Si Shubert ay ipinanganak sa Bambang (Nueva Vizcaya), nag-grade 1 sa Naguillian (Isabela), balik sa Bambang para sa grade 2, grades 3 at 4 sa Mapandan (Pangasinan), grade 5 sa Paniqui (Tarlac), sa Bambang ulit para sa grade 6, 1st -3rd year high school sa Alicia (Isabela), tapos Bambang ulit. Nakatira siya ngayon sa Nueva Ecija kung saan nagpapatuloy ang kanyang mga kamanghamanghang paglalakbay sa Pilipinas at ibang bansa.

Ipinakilala siya sa daigdig ng mga lumang simbahan ng isa ring kapwa lagalag. Madalas siyang magbiyahe at minabuti na nga niyang daanan ang mga ito kung may pagkakataon. Pang-alis baga ng buryong. Na ikinatataka ng jowa niya dahil hindi naman siya relihiyoso. “Berto, akala ko pagano ka. Baka kung ano na yan ha! Puputulin ko yan!”

Ilang taon ang lumipas bago niya napagmunimunihan kung bakit nga ba adik siya sa mga lumang simbahan. Missionary teacher ang kanyang nanay samantalang literature evangelist naman ang tatay niya. Palaging katabi o malapit sa mga simbahan ang kanilang mga tinirhan. Siguro naging ugali na niya na dapat na may simbahan siyang naaamoy palagi. Maaaring ito rin ang dahilan kung bakit allergic siyang magsimba. Nanawa kumbaga.

Sa mga simbahan din niya inumpisahan ang paghahanap sa kanilang nakaraan. Dito niya natuklasan na may kinalalaman ang mga ito sa pagtakas ng mga ninuno ng nanay niya mula Ilocos Norte papuntang Nueva Vizcaya. At sa simbahan ng Obando din niya natagpuan ang isang dokumento na nagsasabing ang apelyido pala ng mga ninuno ng tatay niya noon ay Ciencia Cruz. Hindi pa niya alam kung may lahi silang prayle.

Si Shubert ay isang rural development manager ng Philippine Rural Reconstruction Movement, aktibong kampanyador ng Social Watch Philippines at Rice Watch and Action Network, at nakikisawsaw sa iba pang mga NGO network at koalisyon.




(Hango sa brochure na inilimbag para sa EkspoSining. Ang exhibit na itinaguyod ng CODE ay kolektibong inisponsoran ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM), International Network of Alternative Financing Institutions-Philippines (INAFI-Philippines), Rice Watch and Action Network (R1), Bb. Meg Manubay at ang kanyang tinadahan, United Ilocandia Fraternity and Sorority, Artist Club, at Blue Hearts Mountaineering Club.)





MGA LARAWAN (pababa mula sa itaas):
(1) Ang mga komadrona ng EkspoSining at (2) laspag na mga pulutan ng ilan gabi ring inuman. (3) Ang aking blog na hugutan ko ng mga nilulumot na tula para sa mga langong poetry reading . (4) Ang pagbubukas ng EkspoSining nina (mula sa kaliwa) Tolits Circa, Dean Rene Reyes ng CAS, ang Department Chair ng English at Humanities, ang pangulo ng CLSU na si Dr. Ruben Sevilleja, at Tatay Ben (5) Si Jun --- ang litratistang makata. (6) Si Tatay Ben at (7) ang kanyang mga larawan ng Bundok Pulag. (8) Ang kahusayan ni Amang Pintor sa pagpipinta na gamit lamang ang kanyang mga daliri. (9) Ako at isang kapwa litratista sa kamera ni Tolits, at (10) ang aking mga lumang simbahan. (11) Ang mga bumisita sa eksibit at (12) nakinig sa lecture. (13) Mga tiga-CODE, manghang-mangha sa pagbigkas ng tula ni Jun, kinagabihan pagkatapos ng eksibit.

9 comments:

  1. Anonymous3:53 PM

    naks, parang tinamad gumawa ng text kinuha na ang nasa brochure. ako rin ang tagal kong pagisipan ng text post ko kaya panay picture na lang. parang wala akong kopya mo ng mga drinking session pics.

    ReplyDelete
  2. ang galing nyo ni Jun! Sobra! Ipa-auction mo kaya yung mga frames mo ng simbahan. Tiyakin mo lang na hindi dito at baka mahingi o mapitik lang.

    Congrats!

    ReplyDelete
  3. Anonymous6:01 PM

    ang galing talaga! sana talaga nandun ako huhuhu

    ReplyDelete
  4. Anonymous9:29 PM

    hi shubert,

    im impressed! Sama ka na sa list of idols ko!..

    Hazel Tanchuling

    ReplyDelete
  5. Hi Hazel! Musta? sensya na pare Shubs. Gawin ko lang bulletin board sandali tong blog mo.

    ReplyDelete
  6. sucessfull ang exhibit ah...kailan ang sunod shubs?

    ReplyDelete
  7. Anonymous6:36 AM

    Ami close kayo ni Haze? Eh si Joey close rin kayo?

    ReplyDelete
  8. Jun, sinong Joey ba yun? Siguro naman ay iisa lang ang Hazel Tanchuling, kaya yeah... ka-batch ko sya.

    ReplyDelete
  9. bibilib na sana ako, tapos nabasa ko comment ni jun na kinopya lang sa brochure.

    ching lang!

    ganda ang photos! mas maganda kung solo (o di kasali si jun)

    hahahaha

    ReplyDelete