Monday, December 26, 2016

ANG IKA-LIMANG KABANATA

Alas-12:01, madaling araw ng Disyembre 16 sa Kuala Lumpur, nang matuyo ang bolpen na sumusulat sa ika-apat na kabanata ng talambuhay ni Bertong Langis.

Sa gan'un ding oras at petsa sumargo ang mga letra sa mga unang pahina ng ika-limang kabanata ng kanyang mga kawili-wiling paglalakbay, mga paunang salita tungkol sa mga stewardess na konti na lang ay mag-aalok na din ng balot at mani sa huling lipad pa-Maynila ng Air Asia na para bagang biyahe ng Baliwag pa-Cubao tuwing Lunes ng umaga, at ilang nakakangarag na talata na sumunod sa ala-ala ng mga kamanghamanghang tren ng KL habang kami ni Bulan ay nakikibaka ng espasyo sa bawat hinto ng MRT, sa bawat bagon ng LRT, at sa karapatang magpa-selfie sa UP-Manila na bawal daw ayon sa guwardiyang may sumbrerong Santa Claus.     


Sa ika-limang kabanata din mababasa ang kuwento ng aking epikong paghahanap sa nawawalang "The Breakfast Table", ang pagkakaduro ng aking dila sa "Skewr Mediterranean", ang mga bulsang biglaang nabutas sa "Pi Breakfast and Pies", at ang mga ugat na naprito sa mantika ng bagnet sa "Ally's All-Day Breakfast Place".      




Iginagayak na ang lamesa namin sa Cabalen nang pumihit kami bigla sa inihaing litson ng King Bee kaya kinabukasan ay muli naming nasingkawan ang mga bisikletang matagal na panahon ding napahinga. 



Ang litson para sa kasiyahan ay pinera na lang para ipambili ng noche buwenang pansit at tinapay na pagsasaluhan ng mas marami, katulad ng Emperador Lights na mabibili sa kahit saang tindahan na kaperahas din lang naman ang lasa sa Alfonso Platinum na bibihirang mailatag sa handaan. 



Ito ang unang sampung pahina ng ika-limang kabanata at kami 'yung tatlong siklista na sumagasa sa bagyo pagkatapos ng pasko.  

No comments:

Post a Comment