Monday, October 03, 2016

KAPAG PUNO NA ANG SALOP

At umapaw nga ang mga naipong tulo ng mga dapat gawin sa isang araw katulad sa pagsiksik ng mga sasakyan sa EDSA sa pagitan ng alas-7 at alas-nuwebe ng umaga kaya walang ibang nagawa ang Uber kundi umasa sa turo ni "Ways" upang makarating sa ADB sa tamang oras, mapakinggan ang mga mahistrado, at dahil alas-2 na ng hapon ay walang kunsumisyon na bumagtas ng EDSA patungong UP-Diliman para sa iba pang pagpupulong.


Kinabukasan ay ganun ulit ang kuwento, lumigwak ang utak na natunaw ng mga diskurso sa interpretasyon ng batas ng tao sa batas ng kalikasan hanggang sa makatatlong baso ako ng calamansi juice with honey concentrate, nananghalian sa masaganang hapag ng mga husgado at nakipag-selfie sa mga magigiting na abogado, at nagpasiyang bumalik na lamang sa opisina para maiparada ang ebidensiya na nagsusuot nga ako ng barong tagalog bukod sa pang-araw-araw na maong at t-shirt kung kinakailangan.


Sa mga pagkakataong ganito na puno na ang salop ay lumalabas kami ni Bunso para maglibot at magpalamig sa Trinoma at SM-North.


At kapag punong-puno na talaga ay humihiling ako ng TOIL para mabawi ang mga Sabado at Linggong iginugol sa trabaho, at makapiling si AGT sa paggagalugad sa mga daang kariton ng Nueva Ecija sabay magpugay na din kay San Geronimo dahil nagkataong pista ng Baloc.


At kapag punong-punong-puno na talaga, ganito ang pinakamabisang pansalo sa mga ligwak at tulo:

No comments:

Post a Comment