Monday, October 17, 2016

ANG ESPADA NI DAMOCLES

Kailan ko lang napansin ang espadang nakabitin sa kisame na parang aninong nakasunod saan man ako magpunta, sa kubeta man o sa MRT, nanunutya, nananakot na para bang mga malignong nagtatago sa kadiliman ng mga agam-agam, hindi nakikita pero nandoon, na siya kong isinuplong sa simbahan ni Santo Domingo at sinubok na iligaw sa kagitingan ng aking mga kapatid sa Santo Tomas.   


Ang espadang pinanday sa pangako ng parehas na laban ay isa na ngayong sandata ng mga berdugong tumaga sa maayos na sanang ikalawang kabanata, bumayo sa pinakapundasyon ng mga isinagawang paghahanda para sa mahabahabang digmaan, lumikha ng panghihinayang sa mga pinakawalang pagkakataon upang makaisa ang mga pinagkakautangan ng loob, at ngayo'y isang punyal na anumang oras ay nakatakdang kumawala sa natitira pang hibla ng hunos dili na siyang tanging pumipigil sa pagbulusok nito sa aking bumbunan, para bagang mga lantang bulaklak na ipinapaninda sa Dangwa at mga litsong unti-unting napapanis sa La Loma.   


Subalit ang Espada ni Damocles ay gawa lamang ng mga mortal na panakot sa mga kapwa nila, at hindi iilang beses na natukso akong agawin ito sa kamay ng mga nanghusga at gamiting panggansilyo sa lubid na ipambibitin sa kanila ng patiwarik, katulad ng mga nagawa na sa mga katulad na pagkakataon, o kaya ay panali sa mga kakaladkarin paikot sa Quezon Memorial Circle at Bagong Silanganan hanggang magkalasuglasug ang kanilang laman. 


Pero may mga nakakaramdam at nakakaunawa, may mga matinong pananaw sa iglap ng kabaliwan, may mga matiyagang makinig, may mga malamig na serbesa at malutong na crispy pata na binudburan ng bawang para sa mas mahabang pasensiya, at ng sili na siyang nagpapaalala na hindi pa ito ang tuldok ng pananalita.


Samantala, ang espada ay pansamantala munang hiniram na pangtadtad sa malutong na litson mula sa Nueva Ecija, malinamnam bagamat mamantika, may isang tumpok na tinumis na kasama, at libreng panghimagas na "Akap" mula sa Imago ni Aia, na siyang pinang-ulam sa pananghalian at hapunang inilatag sa tabi ng kubeta.



Hindi iisa ang araw at hindi pa tapos ang kuwento ng espada...

No comments:

Post a Comment