Monday, September 19, 2016

THE BOPIS ROUTE

Bakit kaya pinagtabi-tabi ang mga ospital sa puso, bato, dugo, at baga ng gobyerno?

Marahil ay dahil kapag nagkaroon ng kumplikasyon, lahat ng nabanggit na lamang loob ay sabay-sabay tatamaan.

Nangingiwi lang akong isipin na baka 'yung inulam kung dinuguan sa Quezon Memorial Circle n'ung isang linggo ay mga ipinuslit na pinagtabasan mula sa mga nasabing ospital.

Nga pala, sakit sa baga ang ikinamatay ni MLQ kaya marahil abot tanaw ng bantayog niya ang Philippine Lung Center.

Si Ninoy naman ay ipinapatay, at wala pa akong nalalaman na ospital na ipinangalan sa kanya, katulad ng V. Luna na pagamutan ng mga nabaril at nasabugan, pero meron siyang Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center na isa sa pinakamapayapang lugar para sa pagbibisikleta sa pagitan ng alas-sais at alas-siyete ng umaga.


May nagsabi sa akin noon na masarap ang dinakdakan sa inilalako sa tiangge ng Philippine Lung Center.


Sa NKTI ko naman naranasan ang mala-anghel na haplos ng mga nurse nang kinunan ako ng dugo para sa aking Annual Medical Exam n'ung nasa PRRM pa ako. 


Sa Philippine Heart Center, binara ko ang guwardiyang nagsabi sa akin na bawal kumuha ng pityur na nasindak naman yata sa suot kong t-shirt ng sundalo at tatak ng agimat sa aking bag.


Mula sa mga Bopis Hospitals ay kumanan ako papuntang Matalino, Kalayaan, V. Luna, Maliksi, Kamias, Kamuning at Morato.

Puro kanan 'yun hanggang kumaliwa ako ng Roces at huminto para mag-almusal sa Pochok's Bangusan.

"Bagong luto ang bopis namin sir, isa sa dinadayung ulam dito."

"Hmmm, bigyan mo na lang ako nitong sinaing na tuna at kalderetang baboy."

Ang bigla kong pangingilag sa bopis ay nadala ko sa Gerry's Grill n'ung linggo, na sa kabutihang palad ay hindi naglatag ng bopis para sa aming fellowship dinner matapos kaming manood sa mga naglalaro ng golf sa Capitol Hills Golf and Country Club.

No comments:

Post a Comment