Sunday, December 13, 2015

ADOBO MYX

Kumbaga sa adobo, si Juan ay unti-unting pinakuluan sa toyo at rekado hanggang sa matuyo at magmantika, kaya sarsa pa lang ay ulam na, samantalang si Pilar ay parang adobong may sabaw na puede na din sana pero maagang umayaw, kaya nauwi kay Ignacio na ang katulad ay adobo ng kahapon lang natutong magluto.


Ang adobong manok at kanin na niluto pa sa Amsterdam ay biyaya sa panahon ng makunat na tinapay at embalsamadong karne, pagkaing kinalakhan at nakasanayan, kaya bago man ang kusinero at naiba ng konti ang rekado ay adobo pa ding humihimas sa lamig at pangungulila, at nagdudugtong sa kahapon at kasalukuyan.   



Nakakauyam ang araw-araw na keso at tinapay kaya kahit kuwartong amoy adobo ay nagkasya na ding panulak sa mga may pinanggalingan at dapat mapuntahan, sa mga inumpisahang dapat matuldukan.



Kahit na nga ano basta kulay adobo ay puede, kahit lamesang pinatungan ng gintong tuktuk na natalsikan ng nagmamantikang sabaw, dahil ang wika nga ay sa simbahan din tutuloy ang mahabang prusisyon. 



Ang mga sikat ay parang mga malambot na adobong baboy kapag sila ay pinapalakpakan at nililitratuhan, katulad ng mga reyna sa santakrusan na binihisan ng kurtina, at nilagang itlog na inihalo sa adobo dahil kinulang ng karne.   


Sadyang mahusay magluto ang mga Pranses dahil ang inihaw na manok at sabaw na ibinahog sa tirang kanin ay naglasang adobo, konting premyo sa mga mithiing muntik ng maabot, o naabot ng konti...

No comments:

Post a Comment