Monday, October 19, 2015

ISANG LINGGONG GOOD-BYE

Walong beses akong bumiyahe ng Bonn mula Hunyo 2011 hanggang Hunyo ng 2015 na siya ring mga natatanging panahon ng aking paninimbahan --- sa Bonn, sa Cologne, sa Trier, at sa Amsterdam na din kung saan ako kumakatok at nagpapaalam.

Ngayon ang ika-9, at maaaring huling punta ko ng Bonn, na pinasinayaan ng isang mangkok na ramen sa RCBC Towers sa Makati malapit sa tanggapan ng German Embassy, ang marahil ay angkop na umpisa ng aking isang linggong pamamaalam sa "small angular city" ni Ludwig van Beethoven.


Ika-12 ng Oktubre 2015

Pang-sampu ko na dapat ito sa Bonn pero binigyan lang ako ng 1-month visa ng madamot na consul para sa huling biyahe ko noong nakaraang Marso; hindi ko na nai-renew dahil may pagpupulong ang mga lahi ni Superman sa Yogyakarta, kaya hindi ko na din napuntahan ang paanyaya sa Marakesh dahil bigla kong kinailangang sumaglit sa Phnom Penh.

Kamanghamangha ang mga obra ni BenCab ng isang mananayaw na siya kong pinagpatayan ng oras sa Yuchengco Museum, kasama ang mga agimat ng Pilipinas, habang naghihintay ng aking 11:30 AM slot sa German Embassy...


Ika-16 ng Oktubre 2015

Napasubo yata ako sa Balkan Breakfast na inakala kong may mas madaming palaman na mozzarella kesa inihaw na baka na pinalamanan pero kabaliktaran pala, at dahil alas-10 ng umaga pa ang schedule ko para tubusin ang aking passport sa Window 10 ng German Embassy ay tumuloy na din sa Starbucks, maghihimagas sana ng kape at blueberry cheesecake, nang matalisod ko sina Val at Baby sa sulok.

Oo, pupunta ako ng Bonn at hindi, pass muna sa Phildel meeting mamayang hapon dahil kailangan kong umuwi ng Nueva Ecija para mag-empake; alam kaya nilang ang lahi ni Spiderman ay Pilipino, at ang RCBC Towers ay gawa ng kanilang pinag-isang mga sapot?


Ika-17-18 ng Oktubre 2015

Ito na nga marahil ang aking Huling El Bimbo sa Bonn.

Kung gayon, nararapat lamang itong maging katangitangi at kakaiba kesa naunang walo bagamat hindi ko inasahang makikisawsaw ang Bagyong Lando na siya na yatang marka ng aming mga paglalakbay para sa UN Climate Talks [Ondoy sa Bangkok, Pablo sa Doha, Yolanda sa Warsaw], at bahagyang nalungkot na dalawang linggo nga palang hindi ko makakasama sa pagbibisikleta si Balong.

Sa pagkakataong ito, sumakay ako ng tren mula Schiphol Airport sa Amsterdam pauntang Bonn.


Kakaiba dahil hindi ko pa nagawa ito maliban sa isang biyahe mula Frankfurt, at katangitangi dahil ganap ko nang naabot ang pagkatao ng pagiging lagalag --- ang lakas ng loob na suungin ang mga walang kasiguruhan at tuklasin ang mga hindi pa nararating, ang dumiskarte kapag hindi sigurado o naliligaw, ang tantiyahin ang mga maaaring maganap at paghandaan ang anumang mangyayari.

Ganyan ako nasakay sa IC 3525 at nakarating ng Utrecht Centraal, sa pagtatanong sa dalawang magandang dalaga na nagkataong nag-aabang din pala sa kaparehong tren.


Ganyan ko nahanap ang Coach 32 at Seat 65 ng ICE 105 papuntang Dusseldorf Hauptbahnhof, makabalik sa tren matapos lumabas sa maling istasyon dahil wala akong nakitang na Platform 15 at 16, at masakay ng EC 9 sa Dusseldorf papuntang Bonn Hauptbahnhof. 


May escort pa akong mga bisikleta, kaya heto na nga marahil ang Huling El Bimbo... 

No comments:

Post a Comment