Monday, August 10, 2015

ISLA

May iisang meron kina Lolo Kadyo, Father Mike, Mang Aldo, Hepe, at Sonny.

Lahat sila ay nagnasa kay Isla, kasama ang mga kabataang nakadungaw sa bintana at mga may edad na nakaupo sa sala, mga nakikipanood ng betamax kina Patok, naghihintay na bumakat sa tubig ang puting duster ni Maria Isabel Lopez, umaasam na hubarin na sana niya ito. 

Nagnasa din ako kay Isla, ng Bantayan, sa hilaga ng mas malaking isla ng Cebu, at sa pinakamatandang parokya nito sa kabuuan ng Visayas at Mindanao, na nangangahulugang may matandang simbahan d'un.

Katulad ng mga bata at matatandang nanood ng betamax ay nairaos ko ang pagnanasa, sa pamamagitan ng habal-habal, sa arkilang P250, sa pagputok ng unang araw ko sa Isla. 



Pangatlo o pang-apat ang kasalukuyang simbahan na itinayo noong 1839 sa matandang bayan ng Bantayan na naging ganap na parokya noon pang 1580, mas antigo sa kalapit na bahay kastila na isa nang pakulutan at tindahan ng Air21, na malapit sa luma pero mas bagong bahay na sumuko sa bangis ni Yolanda.   



HABAL-HABAL DRIVER: "Ser, may isa pang simbahan sa Sta. Fe. Gusto ninyong puntahan?

AKO: "Luma din ba katulad ng sa Bantayan?"

HABAL-HABAL DRIVER: "Napalitan na ng bago ser, pero kakaiba siya dahil may katapat na simbahan din."

Dumaan nga kami d'un, at kinunan ko ang kasalukuyan pang inaayos na simbahang Katoliko, mula sa bakuran ng katapat nitong simbahang Aglipay, bago ako pumara sa tabing-dagat, at nasaksihan ang pagdapurak ng komersiyo sa paraiso na sana.



Maliban sa pier ay walang dungis ang dalampasigan ng Isla.

Maputi at pino ang buhangin.

Hindi kasing dami ang tao katulad ng sa Boracay. 

At masarap ang inilaang pansit sa aming pagpupulong. 



Ebak ang isa sa mga problema sa Isla, dahil nga siguro sa napapaligiran ng tubig ay hindi na kailangan ng kubeta.

Yellow submarine, flying saucer, booby trap. Iba't-ibang klase ng pag-ebak na walang kubeta.

Bumaha nga daw ng ebak n'ung dumating si Yolanda, kaya kubeta ang naging proyekto ng aming opisina sa Isla, kasama na ang panawagang maghugas ng kamay pagkatapos umebak, at pagsasaayos na din sa mga mapagkukunan ng inuming tubig. 


Binalikan ko ang lumang simbahan ng Bantayan sa huling araw namin sa Isla.



Pagkatapos ay namili kami ng mga daing na iuuwi.

Sana.

Dahil dumating si Hanna dala ang Habagat.

Bawal lumayag ang mga barko papunta sa Isla, kaya bawal munang umalis sa Isla...

No comments:

Post a Comment